MPV nirapido: 1 patay, 2 sugatan

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

Ni: Liezle Basa Iñigo

Isa ang nasawi habang dalawa pa ang nasugatan makaraang paulanan ng 20 bala ng hindi nakilalang armado ang sinasakyan nilang multi purpose van (MPV) sa national road ng Barangay Fugu sa Ballesteros, Cagayan.

Sa panayam kay PO3 Eduardo Serrano, sinabi niyang namatay na kahapon ng umaga si Felix Andress dahil sa maraming tama ng bala na natamo.

Sugatan naman ang dalawa pang pasahero ng Toyota Innova na sina Joseph Cay-an, at Martin Solimen, kapwa taga-Ilocos Sur na nagpapagaling na ngayon.

Kaugnay nito, ipinag-utos na ni Ballesteros Police chief Senior Insp. Merwin Villanueva ang karagdagang police visibility.

Sa pagsisiyasat ng lokal na pulisya, dakong 11:30 ng gabi nitong Miyerkules nang mangyari ang pamamaril sa Bgy. Fugu sa Ballesteros habang patungo ang mga biktima sa Tuguegarao City.

Nasaksihan umano ng ilang opisyal ng barangay nang mabangga ang Innova (ZDM-502) sa poste ng kuryente at ang pagkakaroon ng mga tama ng bala ng sasakyan matapos itong ratratin ng armado.

Nakarekober ang mga pulis ng mga basyo ng .30 caliber at .45 caliber sa pinangyarihan ng krimen.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng salarin at ang motibo sa krimen.