Tumitindi ang banta ng thermonuclear war

Filed under Editoryal Balita RSS RSS Feed

GAANO nga ba kaseryoso ang banta ng digmaang nukleyar sa bahagi nating ito sa mundo kasunod ng pagpapalitan ng banta ng North Korea at Amerika at ng mga kaalyado ng huli na South Korea at Japan?

Matagal nang hinahamon ni Kim Jong Un ng North Korea ang Amerika sa marami nitong pagpapasabog ng missile at nuclear bomb. Noong Mayo, inihayag niyang napasabog na rin nila ang isang intercontinental ballistic missile na kayang makaabot sa maraming siyudad sa sentro ng Amerika. Ito ang naging tugon niya sa joint US-South Korea military exercises at sa pagpupuwesto ng tatlong US naval strike forces sa kalapit na karagatan sa pangunguna ng tatlong aircraft carrier.

Tinugunan ito ng Amerika at ng United Nations. Nagbabala si US President Trump ng “fire and fury” na hindi pa nasaksihan ng mundo, habang nagpalabas naman ang UN Security Council ng bagong serye ng mga economic sanction na makababawas ng milyun-milyong dolyar sa kita ng North Korea sa pagluluwas nito ng mga produkto.
Nagbabala na rin ang North Korea ng pagpapasabog ng apat na missile sa karagatan sa paligid ng teritoryo ng Amerika, ang Guam sa kanlurang Pasipiko, ngunit kalaunan ay binawi nito ang banta. Ipinagpatuloy ng Amerika ang mga joint military exercise nito kasama ang South Korea, kabilang ang isang simulated attack sa mga missile site ng North Korea.

Nitong Linggo, inihayag ng North Korea na nakabuo ito ng isang advanced hydrogen bomb na may libu-libong kilotons ng bomba. Ang nauna nitong test ay nakalikha ng 10 hanggang 15-kiloton na bomba na katulad ng inilaglag ng Amerika sa Hiroshima, Japan noong 1945.

Hanggang sa ngayon puro sa salita lamang ang away ng dalawang bansa. Subalit labis na nababahala ang Japan at South Korea. Dahil sakaling sumiklab ang digmaan, ang dalawang nabanggit na bansa ang pinakamaaapektuhan kasama ng North Korea. Nangangamba naman ang Amerika, bagamat libu-libong milya ang layo, na tototohanin ng North Korea ang banta nitong bobombahin ang mga lungsod sa Amerika. At hindi natin dapat malimutang kamakailan lamang ay nagsagawa ng missile test ang North Korea sa direksiyon ng Pilipinas, at lumapag ito sa karagatang malapit sa Batanes.

Libu-libo pa rin ang nuclear missile ng Amerika sa kabila ng kasunduan nito sa Russia para sa isang programa ng mutual demobilization ng mga naturang armas. Ngunit sa lahat ng banta ng “fire and fury” mula kay President Trump, malabong pangunahan nito ang digmaan. Mistulang may kakayahan si Kim Jong Un upang gawin ang kanyang banta, ngunit mayroon ba talaga itong mapaminsalang H-bomb gaya ng sinasabi nito?

Maraming hindi tiyak sa kumprontasyong ito. Ngunit isang maling hakbangin lamang mula sa alinmang panig ay magkakaroon ng napakalaking epekto, hindi lamang sa magkaaway na bansa kundi maging sa buong mundo, partikular sa magkakalapit na bansa, kasama na ang Pilipinas, dahil ang thermonuclear blast ay magbubunsod ng Mutually Assured Destruction (MAD).

Nagtungo na sa South Korea ang kalihim ng ating ugnayang panlabas na si Secretary Alan Peter Cayetano para sa isang opisyal na pagbisita at inatasan ang mga opisyal ng Embahada ng Pilipinas doon na magsagawa ng mga hakbangin upang matiyak ang kaligtasan ng nasa 65,000 Pinoy na nakatira ngayon sa South Korea. Subalit magiging imposible ito sakaling sumiklab ang digmaang nukleyar.

Binigyang-diin ni Secretary Cayetano ang alok ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na pangunahan ang pagsisikap na diplomatiko upang maresolba ang mga hindi pagkakasundo ng dalawang panig. Kalakip ng mga pagpupursigeng ito ang pag-asam at panalangin ng mga Pilipino.