Ni JIMI ESCALA
UMAANI ng paghanga si Congresswoman Vilma Santos-Recto sa larangan ng public service at maging sa kanyang mga kapwa mambabatas dahil sa sunud-sunod na mga batas na naipapasa niya.
Baguhan pa lamang bilang mambabatas at isang taon pa lamang sa Kongreso ang Star for All Seasons pero isa siya sa pinakamarami ang naipapasang batas.
Ngayong linggo, ang naipasa naman niya ay ang House Bill 5784 o Universal Health Coverage (UHC) bill na siya mismo ang principal author kasama sina Reps. Harry Roque (Kabayan Partylist); Angelina D.L. Tan (NPC, Quezon); Victoria Isabel Noel (An Waray Partylist); Rose Marie J. Arenas (PDP-Laban, Pangasinan) at Cheryl P. Deloso Montalla (NUP, Zambales).
Sa botong pabor na 222, pito lamang ang kumontra at walang abstention ay tuluyan nang naipassa sa Kamara ang panukala ni Ate Vi.
Kay Ate Vi mismo namin nalaman na pang-anim na batas na kanyang naipasa ang Universal Health Care. Sa nasabing panukala, ang PhilHealth ay gagawing Philippine Health Security Corporation at ang Star for All Seasons mismo ang author at maluwalhati niya itong naipasa sa Kongreso.
“Pang-anim na ‘yan. Universal Health Care ‘yang napasa uli,” banggit ni Congresswoman Vi.
Dahil sa nasabing batas, hindi na ang kasalukuyang mga miyembro lamang ng PhilHealth, na walong porsiyento lamang ng mahigit 105 populasyon ng Pilipinas, ang magkakaroon ng kagaanan sa pagpapagamot sa ospital kundi ang lahat na ng mga mamamayang Pilipino na nanggagaling sa sariling bulsa ang ipinambabayad sa kapag nagkakasakit.
Kaya nga tuwang-tuwa at lalong ipinagmamalaki ng kaibigan naming si Ben Izon na isa nang US Citizen ang iniidolo niyang si Ate Vi.
Samantala, umaasa ang maraming Vilmanians lalung-lalo na ang grupong SILVI na makagagawa ulit si Ate Vi ng pelikula.
Gayunpaman, naintindihan naman daw nila kung hindi pa puwedeng maisingit sa tight echedule ng public servant/actress ang shooting.
“Gustuhin man namin pero hindi puwede dahil mas prayoridad niya ngayon ang pagiging mambabatas. At ipinagmamalaki naman namin ang isang Vilma Santos,” sey ni Ben Izon.