9 sibilyan patay, 10 sugatan sa Abu Sayyaf

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

Ni FER TABOY

Patay ang siyam na katao at nasugatan ang sampung iba makaraang pagbabarilin ng mga miyembro ng Abu Sayyaf Group sa Barangay Tubigan sa Maluso, Basilan kahapon.

Kinumpirma sa ulat ni Supt. Christopher Panapan, OIC ng Basilan Police Provincial Office (BPPO), na pawang sibilyan ang 19 na biktima.

Sa report ni Chief Insp.Tara Leah Cuycu, tagapagsalita ng Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) Police Office, kinilala ang mga napatay na sina Radzma Arakan, Radsma Hassan, Camina dela Cruz, Reynaldo Esparcia, Marktan Jalad, Ajid Aminulla, Ryan Joplo, Baby Arakani, at Andok Haikin Kato.

Ginagamot naman sa ospital ang mga sugatang sina Lokaya Arakani, Joey dela Cruz, Julhari Arajani, Mariam dela Cruz, Jessie dela Cruz, Tarhata Arakani, Solo Arakani, Abel Laping, Roderick Villarin, at Grace Fernandez.

Ayon sa report ni Senior Insp. Alfadda J. Osalli, sinalakay ng mga bandido ang Bgy. Tubigan sa Maluso at pinagbabaril ang mga biktima.

Nagsilikas naman ang mga residente sa lugar sa takot na muling sumalakay ang mga bandido, habang nakaalerto naman ang pulisya at militar.