Ambulansya, 4 pa nagkarambola sa QC

Filed under Balita Archive Balita RSS RSS Feed

Limang sasakyan, kabilang ang isang ambulansiya na may sakay na pasyente, ang nasangkot sa aksidente sa Barangay Bahay Toro, Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Ayon kay Police Senior Inspector Josefina Cuartero, ng Quezon City Police District Traffic Sector 6, nagbanggaan sa kahabaan ng Mindanao corner Congressional Avenues, dakong 2:30 ng madaling araw.

Sinabi ni Cuartero na base sa kanilang inisyal na imbestigasyon, binabagtas ni Jezriel Bautista, 34, driver ng aluminum van, ang kahabaan ng Mindanao Avenue nang mabangga ang kanang bahagi ng ambulansiya sa Congressional Avenue, dahilan upang mapaliko sa kanan at tumama sa konkreto ang sasakyan ni Bautista. Ang ambulansiya na patungong EDSA, na minamaneho ni Apolonio Macula, ay napaliko sa kaliwa at bumangga sa dalawang iba pang sasakyan na nakahinto.

Sa lakas ng pagkakasalpok, isa sa mga sasakyan ang umatras at nabangga ang harapang bahagi ng isa pang nakahintong sasakyan.

Ayon sa awtoridad, maaaring maharap ang isa sa mga driver sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property.
Patuloy ang imbestigasyon sa pangyayari. – Alexandria Dennise San Juan