Ni: Orly L. Barcala
Oras lang ang pagitan nang magkakasunod na tumimbuwang at napatay ang tatlong lalaki na bukod umano sa pagiging mga drug pusher ay holdaper pa umano, matapos na makipagbarilan sa mga pulis sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga napatay na sina Arturo Padua Jr., 35; Renz Quintina, 32; at Arnold Platilla, mga residente ng Barangay 176, Bagong Silang, Caloocan.
Ayon kay Chief Insp. Ronaldo Cayago, hepe ng Police Community Precinct (PCP) 3 ng Caloocan Police, bandang 3:00 ng umaga nang nakatanggap sila ng tawag mula sa mga barangay tanod na talamak ang bentahan ng droga sa lugar ng mga suspek.
Matapos marating ng mga pulis ang lugar, nakipagbarilan umano kaagad ang mga suspek sa grupo ni Major Calago, hanggang sa napatay si Padua.
Nakuha umano kay Padua ang isang .38 caliber revolver at isang pakete ng shabu, habang nagawa namang makatakas nina Quintina, at ang tiyuhin ng kanyang live-in partner na si Platilla.
Gayunman, naitimbre ng mga tanod ang bahay ng dalawa kaya tinungo ng mga pulis ang mga ito kung saan muling sumiklab ang bakbakan at napatay sina Quintina at Platilla.
Sinasabing nakuha kina Quintina at Platilla ang isang sumpak, isang .38 caliber revolver, at shabu.