FPJ-Juday movie, ipapalabas uli

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

ni Nitz Miralles

IPAPALABAS uli ang pelikulang Isusumbong Kita Sa Tatay Ko na pinagsamahan nina Fernando Poe, Jr. at Judy Ann Santos. Free screening ito, sa August 17 sa SM North Edsa The Block. Magbubukas ang gate ng 6 PM, baka PM ang screening.

Ipinost ni Judy Ann ang poster ng pelikula nila ni FPJ at nilagyan ng caption na, “Excited ako para dito!!! Isa sa mga artistang hindi ko naisip na puwede kong makasama at maging tatay-tatayan… sayang hindi ka na-experience makatrabaho ng mga kabataan ngayon… marami sana silang matututunan sa nag-iisang FPJ. Miss kita, tay…#isusumbongkitasatatayko #restored.”

Ang ganda ng comments ng mga nakabasa sa post ni Judy Ann at karamihan, ang sinasabi’y maganda, nakakaiyak at hindi nakakasawang panoorin ang action-comedy movie na idinirihe ni Boots Plata.

Samantala, batay sa isa pang post ni Judy Ann sa Instagram, nagsimula na siyang mag-shooting sa comeback movie niyang Ang Dalawang Mrs. Reyes sa direction ni Jun Lana. Kasama niya rito si Angelica Panganiban, produced ng Star Cinema, The IdeaFirst Company at Quantum Films.