Ibinalot ang mukha bago niratrat

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

NI: Alexandria Dennise San Juan

Isang hindi pa nakikilalang lalaki na nakasuot ng itim na jacket at ibinalot ng masking tape ang mukha at kamay ang binaril hanggang sa namatay sa Barangay Payatas-A, Quezon City, kamakalawa ng madaling araw.

Ayon kay Alvin Quisumbing, imbestigador ng QCPD-CIDU, ang biktima ay tinatayang nasa edad 40, may tattoo na “Gie” sa kanan niyang dibdib at “BCJ32”.

Base sa inisyal na imbestigasyon, isang saksi ang nagising sa sunud-sunod na putok ng baril sa hindi kalayuan, dakong 1:45 ng madaling araw.

Sa paglabas nito, nasilayan niya ang duguang bangkay ng biktima na nakabulagta at nakabalot ng masking tape ang mukha at kamay.

Tadtad ng bala ang katawan ng biktima.

Aabot naman sa 17 piraso ng basyo ng bala ang narekober sa pinangyarihan.