Buhay ng tao mahalaga kaysa deposito

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

NI: Clemen Bautista

SA iniibig nating Pilipinas, ang sektor ng lipunan na madalas maging biktima ng mga pang-aapi, pananamantala, kawalang-katarungan o inhustisya at panlilinlang ay ang sektor ng mahihirap, busabos at mga kumain-dili. Ang kahirapan ay matinding dagok sa kanilang buhay. Ngunit sila’y nagsisikap upang makabangon sa kahirapan. Ang iba’y namamasukang kasambahay, labandera, kusinera, janitor at street sweeper sa kanilang bayan. Maagang gumigising at pa magliwanag ang kalangitan ay kumakayod na. May namamasukan naman na tindera sa palengke, tagahugas ng mga pinggan sa school canteen at restaurant. Nagtitiyaga at nagtitiis upang kahit paano ay kumita ng pera at makabili ng bigas at ulam para sa pamilya.

Sa buhay ng mahihirap, isa sa mga kanilang kalbaryo ang pagkakasakit ng miyembro ng pamilya. Sa hangaring mabigyan ng emergency treatment, isinusugod sa pribadong ospital sapagkat naniniwalang mahuhusay ang doktor at nurse at kumpleto sa mga medical equipment. Ngunit ang nagiging masaklap ang karanasan sapagkat hindi agad ginagamot ang pasyente walang depositing maibayad. Napipilitang ilipat sa ospital ng gobyerno at doon ipagamot. May nangyayari din na dahil sa walang maibigay na deposito, natutuluyang mamatay ang pasyente. Walang magawa ang kaanak ng pasyente kundi ang umiyak at manangis.

Ang mga nabanggit ay ang karaniwang nangyayari sa mga emergency ward ng mga pribadong ospital sa ating bansa.

Nasasabi tuloy ng iba nating kababayan na tila hindi naiisip ng mga naglilingkod sa mga pribadong ospital na higit na mahalaga ang buhay ng tao kaysa hinihinging deposito.

Kamakailan lamang, marami tayong kababayan na natuwa sapagkat nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 10932 o ang “Strengthened Anti-Hospital Deposit Law”. Sa pagkakalagda, matatapos na ang pang-aabuso ng mga pribadong ospital na humihingi ng deposito.

“Sa bagong batas, mas mahigpit at mabigat na mga parusa ang ipapataw sa mga ospital na tumatanggi sa mga pasyente dahil sa walang pera.” ayon kay Senator Risa Hontiveros, ang pangunahing awtor ng nasabing batas. Mas mahalaga ang buhay kaysa kita. Dahil sa nasabing batas, wala nang mahirap na itataboy ang mga abusadong ospital. Wala nang mahirap na magmamakaawa para sa medikal na kalinga.

Sinabi pa ni Senator Hontiveros na kabilang sa parusang nakasaad sa batas ay ang pagkakabilanggo ng apat hanggang anim na taon ng mga may-ari ng ospital na nanghihingi ng anumang deposito.

Sa bagong batas, isinasaad din na ang tatangging mga ospital sa mga pasyente ay magmumulta ng P100,000 hanggang P1,000,000.

Bukod dito, ang Republic Act 10932 ay nagbibigay ng kapangyarihan sa Department of Health (DoH) para bawiin ang lisensiya ng ospital matapos ang tatlong beses na paglabag alinsunod sa alituntunin ng pagamutan o klinika.

Nilinaw din ni Senador Hontiveros na tungkuin ng pamahalaan na magkaroon ng sapat na pagkalinga sa kalusugan ng mga mamamayan. Ang batas ay sumasalamin sa ating mga tungkulin at sa ating pangako na paunlarin ang sektor ng kalusugan.