Bala ng .45 nakuha sa NAIA passenger

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Ni BELLA GAMOTEA

Dalawang bala ng 45 caliber pistol ang nadiskubre sa loob ng sling bag ng babaeng pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 4, sa Pasay City kahapon.

Kinilala ang pasahero na si Rhodora Vargas, nasa hustong gulang, na patungong Tagbilaran, Bohol.

Base sa ulat, dumaan sa initial screening checkpoint si Vargas at ang kanyang mga gamit hanggang sa tuluyang nadiskubre ang dalawang bala ng nasabing baril, bandang 10:00 ng umaga.

Agad ipinaalam ni SSO Supervisor Adonis Marcilla kay APD Aquino at ininspeksiyon ang bag ni Vargas at nasilayan ang mga bala.

Kinumpiska ang mga bala at nai-turn over kay PO1 Jessie Domingo, ng Philippine National Police-Aviation Security Group, para sa kaukulang dokumentasyon.

Pinayagan ng awtoridad na bumiyahe si Vargas.