Ayaw sumuko sa buy-bust, 3 timbuwang

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Ni: Mary Ann Santiago

Patay ang tatlong drug suspect nang manlaban sa buy-bust operation ng Manila Police District (MPD)-Station 2 sa Tondo, Maynila kamakalawa.

Kinilala ang mga suspek na sina Jonathan Sumagka, Jr., alyas Carlo, 23, ng 1350 La Torre Street; Francisco Pacheco, alyas Kiko, 38, ng Narcisa St.; at Lauro Soriano, alyas Dong, 55, Narcisa St., Tondo.

Sa imbestigasyon ni PO3 Jeffrey Laus, ng Manila Police District -Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), isinagawa ang operasyon sa Estero De Magdaleno, malapit sa Narcisa St., bandang 5:58 ng hapon.

Si PO2 Alvin Alva ang nagpanggap na buyer at nakipagtransaksiyon kay Carlo, ngunit nang iabot ang P500 marked money ay nakahalata ito na pulis ang kanyang kaharap kaya bumunot ng baril at pinaputukan ang pulis, sabay sigaw ng, “Ta…na pulis! Pare, tulong!”

Rumesponde naman sina Kiko at Dong at kapwa bumunot ng baril at pinaputukan ang mga papalapit na pulis.

Sinubukan umanong pakiusapan ni Police Senior Insp. Anthony Sy ang mga suspek ngunit patuloy na namaril ang mga ito kaya nagdesisyon ang awtoridad na barilin ang tatlo na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.

Narekober mula sa mga suspek ang tatlong .38 caliber pistol at pitong pakete ng umano’y shabu.