Kumikilos ang bagong MMDA chairman upang resolbahin ang problema sa trapiko

Filed under Editoryal Balita RSS RSS Feed

DALAWANG lane ang nadagdag sa Roxas Boulevard mula sa Vito Cruz hanggang sa T.M. Kalaw, at malaki ang naitulong nito upang mapabuti ang daloy ng trapiko sa naturang ruta na kilala sa pagsisiksikan ng mga sasakyan dahil ito ang nag-uugnay ng Metro Manila sa Cavite at Southern Luzon.

Sa ibang dako ng Metro Manila, tuluy-tuloy na nagpapatupad ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mga batas trapiko. Simula Mayo 24 hanggang Hunyo 23, nakapagtala ito ng 7,586 no-contact at 92 out-of-line apprehension, at hinarang ang 80 kolorum na bus at walong cargo vehicle.

Hinatak din nito ang 578 sasakyang ilegal na nakaparada at in-impound ang 2,523 iba pa. Nag-uumapaw na ang mga impounding area ng ahensiya sa Ultra sa Pasig City at sa Tumana sa Marikina City, kaya naman inihayag ng MMDA noong nakaraang linggo na isusubasta na nito ang 153 sasakyang hindi nabawi sa ahensiya simula 2007 hanggang 2012.

Pagkatalaga sa puwesto bilang chairman ng MMDA, sinabi ng retiradong heneral na si Danilo Lim na gagamit siya ng “back to basics” approach sa pagresolba sa problema sa trapiko sa Metro Manila, at tututukan ang istriktong pagpapatupad ng mga panuntunan at batas sa lansangan.

Sinabi niyang huhulihin niya ang mga sasakyang kolorum na namamasada nang walang prangkisa, ang mga vendor na nakahaharang sa mga sasakyan, at ang mga ilegal na nakaparada. Subalit sinabi niyang batid niyang mga sintomas lamang ito ng problema sa kurapsiyon. Hindi, aniya, maglalakas-loob na lumabag ang mga ito kung walang kilalang may awtoridad.

Ipinasara rin ni Chairman Lim ang tatlong bus terminal sa Quezon City, dahil sa kawalan ng mga kinakailangang permit at sa paglabag sa mga panuntunan sa trapiko. Pitong iba pang terminal ang nakatakda namang inspeksiyunin. Ang maraming bus terminal sa EDSA ay natukoy na isa sa mga dahilan ng pagsisikip ng trapiko sa lugar, partikular sa Cubao.

Kabilang ito sa mga hakbanging isinagawa ng MMDA sa nakalipas na mga linggo. Wala pang pangunahing komprehensibong plano. Kung sakali mangangailangan ito ng malalaking hakbangin gaya ng pagpapagawa ng mga bagong kalsada at overpass, pagbubukas ng mga bagong lugar upang matiyak na maipagkakaloob ang mga pangangailangan ng metropolis, at pagpapabuti sa serbisyo ng mga mass transit system upang mahimok ang mga taga-Metro Manila na gamitin ang mga ito kaysa magmaneho ng sarili nilang sasakyan.

Hanggang sa hindi naipatutupad ang malawakang reporma laban sa trapiko sa Metro Manila, kakailanganin nating tumalima sa maraming hakbanging ipinatutupad ng MMDA at ng bago nitong chairman. Malaki ang maitutulong kahit ng maliliit na hakbangin. Sa pagsasama-sama ng mga ito, dapat na mapabuti ang trapiko sa buong Metro Manila, partikular na sa EDSA, sa Quezon Avenue at Quezon Boulevard, sa España, Aurora, Rizal Avenue, Taft, at Roxas Boulevard, ang mga pangunahing lansangan sa Kamaynilaan.