Valdez, PVL Press Corps top player

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

Ni: Marivic Awitan

NAKAMIT ni Creamline Cool Smashers team captain Alyssa Valdez ang unang Philips Gold-PVL Press Corps Player of the Week para sa mga larong idinaos noong Hulyo 8-15.

Napili ang four-time V-League MVP matapos simulan ang linggo sa pamamagitan ng pagposte ng 23-puntos upang pangunahan ang Cool Smashers sa paggapi sa Hair Fairy-Air Force Lady Jet Spikers sa loob ng apat na sets.

Sinundan ito ng 30-puntos at 16-digs performance kontra defending champion Pocari Sweat Lady Warriors na nagdala sa Creamline sa tuktok ng standings taglay ang malinis na markang 4-0.

Binigyang kredito ni Valdez and pagkakadagdag sa team ng dating Ateneo teammate na si Jia Morado gayundin sina Rose Vargas at Army standout Ging Balse.

Ayon kay Valdez, ang pagdating ng mga nabanggit na bagong teammates ay nakatulong upang makapag -focus siya sa kanyang laro.

“It’s been great having Jia back on my side. She’s always been a great setter and she really makes it easier for her spikers like me to score,” ani Valdez.

“Sobrang happy din ako to have Ate Rose and Ate Ging on the team kasi I’ve always looked up to them and they provide a lot on inspiration for the team to keep working harder especially in practice,” aniya.

Sa kabila nito, magkahalong tuwa at lungkot ang kanyang nadarama dahil kailangan niyang iwan ang team upang sumama patungong Japan sa National Team para mag training.

“Definitely it’s going to be hard for me to leave the team kasi nga very crucial ‘yung last games namin. But I’m confident in my teammates and my coaches that they will find a way.”

“I’m definitely looking forward to coming back and playing with my teammates again,” sambit ng Batangueńa star hitter.