PBA DL: Awtomatiko sa Final Four ang Tanduay

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

Ni: Marivic Awitan

MAY tsansa na tumapos sa ikalawang posisyon para sa outright entry sa semifinals, tatangkain ng Tanduay Rhum na makamit ang tagumpay ngayong hapon upang makalapit sa sinusundan at kasalukuyang pumapangalawang Cignal sa pagsalang nila kontra Wang’s Basketball sa 2017 PBA D League Foundation Cup.

Ganap na 5:00 ng hapon ang sagupaan ng dalawang koponan matapos ang unang laban sa pagitan ng Zarks Burgers at Marinerong Pilipino ganap na 3:00 ng hapon.

Hawak sa kasakukuyan ng Rhum Masters ang ikatlong puwesto taglay ang markang 5-2, panalo -talo, dalawang laro ang pagkakaiwan sa pumapangalawang Hawkeyes na may barahang 7-2.

Bagama’t sinabi na ni Rhum Masters coach Lawrence Chongson na hindi na sila naghahabol sa top 2 hindi nila maiiwasang hangarin ito sa halip na makuntento sa twice to beat incentive na kaakibat ng third at fourth teams na tatapos sa eliminations.

Matapos mabigo sa kasalukuyang lider at unbeaten na Flying V Thunder na may laro kahapon kontra AMA Online Education habang isinasara ang pahinang ito, nakabalik ang Tanduay sa winning track matapos talunin sa nakaraan nilang laban ang koponan ng Batangas.

Sa unang laban, pormal namang susungkitin ng Marinerong Pilipino (2-4) ang huling slot sa playoffs sa pagtutuos nila sa kulelat na Zarks Burgers.