4 na banyaga sa Kalibo BJMP, sinilbihan ng arrest warrant

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

Ni: Jun N. Aguirre

KALIBO, Aklan – Apat na banyaga na nakakulong sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Kalibo ang sinilbihan ng warrants of arrest.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga banyaga na sina Shau Wei hu, 30; Chia Hui Sun, 39; Honghua Zhou, 25; at Wei Chieh Weng, 29.

Si Zhou ay isang Chinese national, habang ang tatlo ay pawang mga Taiwanese.

Kasama ang apat sa 18 na banyaga na ikinulong sa BJMP matapos maaresto sa isang sinasabing drug den sa Boracay noong Agosto 2016.

Muling kinasuhan ang apat na suspek matapos mapatunayan na ilegal na droga ang ilang tabletas na kanilang dala-dala.

Isinilbi ang warrant na pirmado ni Judge Jemena Abbelar-Arbis, presiding judge ng Kalibo Regional trial Court Branch 6. Isinilbi ang warrant ni Police Inspector Angelito de Jose, miyembro ng trackers team ng Aklan Provincial Police Office.