Hindi ako masamang tao — Jovit Baldivino

Filed under Features, Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

Ni REGGEE BONOAN

NAPAPAILING kami habang binabasa namin ang open letter ni Shara Chavez, ex-girlfriend at ina ng anak ni Jovit Baldivino, na naglalantad sa aniya’y tunay na ugali ng singer at kung kaharap siguro namin ang babaeng ito ay sasabihan namin siya ng, “hindi na uso ang martir sa panahon ng millennials” dahil “lahat ng martir binaril na sa Luneta”.

Kasabihan na itong huli kapag may nakikita tayong nagtitiis sa lahat ng hirap sa asawa o karelasyon. Wala nang ganitong tao sa panahon ngayon.

Jovit at Shara copy

Napakahaba ng open letter ni Shara na ikinuwento kung anong klaseng boyfriend at ama sa kanyang anak ang grand winner ng Pilipinas Got Talent Season 1.

Inamin ni Shara na maraming beses nang nabilog ang ulo niya ni Jovit sa mga pangakong hindi naman natutupad tulad ng titigilan na nito ang pambabae at magsusumikap na para sa anak nila.

Hindi regular ang kita ni Jovit dahil wala siyang regular show sa TV at bilang lang ang imbitasyon sa kanya para sa shows kaya kay Shara umaasa ng panggastos pati panggasolina ng sasakyan para dalawin silang mag-ina.

Ikinuwento rin ng dating karelasyon ni Jovit na lahat ng gastos sa tinitirhan nilang condo ay sagot niya mula sa upa, bills, groceries at gastusin ng anak.

Pero kung magpatalo raw sa sabong ay sisiw lang ang P300,000 kaya pati pagkanta sa sabungan ay pinasok na rin ni Jovit lalo na kapag walang-wala na ito.

Ngayong nahuli na naman ni Shara na may ibang babae si Jovit na isa ring fan tulad niya noon ay nagpasya na siyang iwan ito at mag-isang buhayin ang anak na dati na naman niyang ginagawa.

Nitong huli na lang napagtanto ni Shara ang lahat ng ginawa sa kanya ni Jovit at ito na ang nagpatigas sa puso niya at tuluyan nang huwag umasa na magbabago pa ito pagkatapos ng huling pagkakataon na umapela siya para sa kapakanan ng anak nila.

Ginamit din ni Jovit ang social media para ipahayag ang side niya, at ang unang sabi niya, “God bless everyone, stay calm, alam ng diyos lahat ang nangyayari, s’ya lang talaga lahat ang nakakaalam, tatanggapin ko lahat ng sasabhin nyo!!! Pero ang DIYOS lang ang nakakaalam ng lahat lahat!!!!!”

Magkaiba ang reaction ng netizens sa balitaktakan ng ex-loves pero mas marami ang kumakampi kay Shara bagamat marami rin namang nagtatanggol kay Jovit.

Sa pangalawang post ni Jovit, ang sabi niya, “Kalmado lang kami lahat, family ko, relatives ko, mga kaibigan ko, kasi ayaw namin na mas lalo pang lumaki ‘yan, at ayaw din namin magsalita ng masasakit na bagay sa mga taong mapanghusga, basta andito pa din ako nakatayo at paninindigan ko, namin, na wala kaming ginawang masama.

“Oo, minsan nagkamali ako, nagsisi, pero pinilit kong ibangon ang lahat ng bagay na nagkulang ako, kasi hindi ako masamang tao alam ng karamihan ‘yan, pero kung naniniwala kayo sa bagay na ‘yan, wala naman ako magagawa kasi hindi ko naman po hawak ang mga pag-iisip n’yo, kayo naman din po ang dahilan kung bakit ako nabubuhay at kung bakit ako andito sa kung ano man ako ngayon, at kayo din ang nagsabi na ‘wag kang magbabago sana laging nakatapak ang paa sa lupa, at ‘wag masyado snobero sa fans at sa lumalapit para humingi ng tulong. Kahit kelan hindi ko po nagawang magdamot sa mga bagay na ‘yan, masaya ako sa ipinahiram na talento sa akin ni God, at masaya din ako na pinasasaya ko kayo bawat pagtatanghal ko sa entablado. Pero ito lang ang masasabi ko sa inyo, mag-isip muna kayo bago kayo manghusga kasi hindi po kayo ang batas para husgahan ako ng ganu’n ganu’n na lang,

“Maraming salamat po inyong lahat na patuloy na naniniwala at nagmamahal sa akin. God Bless always.”

Nakapanghihinayang naman itong si Jovit dahil may pangalan at career naman, hindi na lang pagbutihin alang-alang sa dalawang anak niya sa magkaibang babae.