Mag-utol dedo sa lasing na parak

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

SAN FERNANDO CITY, La Union – Nauwi sa pamamaril at pagkasawi ng isang magkapatid ang pakikipag-inuman nila sa isang pulis sa Barangay Santiago Sur, sa San Fernandop City, La Union, nitong Miyerkukes ng gabi.

Kinilala ni Supt. Dennis R. Rodriguez, hepe ng San Fernando City Police, ang suspek na isa sa kanyang mga tauhan, si PO1 Ricardo A. Rillo, 44, taga-Bgy. Santiago Sur, na sinasabing nakapatay sa magkapatid na Willie D. Fernando, 48; at Christian D. Fernando, 23 anyos.

Nagtamo ng tigtatlong tama ng bala sa katawan ang magkapatid, habang nasugatan naman ang isa pa nilang kainuman na si Joseph A. Balanag, nasa hustong gulang, pawang taga-Bgy. Santiago Sur, San Fernando City.

Sinabi ni Supt. Rodriguez na batay sa kuwento ni Pedro Apiado, kainuman din ng suspek at mga biktima, nagtatagayan sila bandang 6:00 ng gabi nitong Miyerkules nang magtalo ang pulis at ang magkapatid, na naawat din kalaunan.

Ayon kay Apiado, upang mapawi ang tensiyon ay inaya na niyang umuwi ang pulis, hanggang bumalik ang huli sa inuman bandang 8:45 ng gabi at pinagbabaril ang mga biktima bago tumakas.

Naaresto naman si Rillo at nakapiit na ngayon sa himpilan ng San Fernando City Police. (Erwin G. Beleo)