Durant, kating-kati nang lumaro sa Warriors

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

OAKLAND, California (AP) — Iginiit ni Kevin Durant na handa siyang lumaro sa Golden State noong Game 2 playoff kontra sa Portland TrailBlazers, ngunit minabuti ng coaching staff na ipahinga na lamang siya upang maiwasan ang paglala ng nadaramang pinsala sa kaliwang pige.

Nagbigay ng update sa kanyang kalusugan ang one-time MVP sa livestream ng kanyang personal na YouTube channel nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).

Umaasa siyang maisasalang sa Game 3 sa Sabado (Linggo sa Manila) kung saan target ng Warriors na makopo ang dominanteng 3-0 bentahe sa kanilang best-of-seven playoff series.

Matapos mabakante ng 19 na laro dulot ng injury sa kaliwang tuhod, nagbalik aksiyon si Durant sa huling tatlong laro ng Golden State sa regular season, gayundin sa Game 1 blowout win.

Kumana siya ng 32 puntos at 10 rebound sa Game 1.

“I hate being out. I hate being hurt. It’s something that’s kind of out of my control right now, just try to get better,” pahayag ni Durant.