Jericho, shoulder to cry on ni Bela

Filed under Features, Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

JERICHO ROSALES (4) copy

NAGSIMULANG mag-shooting si Bela Padilla ng Luck at First Sight noong December 2016, nitong Enero naman lumabas ang balitang nag-break na sila ng boyfriend-collaborator niyang si Neil Arce.

Mula sa script nina Bela at Neil at sa direksiyon ni Dan Villegas, co-production ng N2 Productions at Joyce Bernal Production for Viva Films ang Luck at First Sight.

Kaya marami ang pumupuri kina Bela at Neil na sa kabila ng personal nilang problema ay professional pa rin sila at natapos ang project nila. Mas mabigat siyempre ang lahat para kay Bela na umaarte pa at hindi lang sa likod ng camera ang trabaho. Kaya sa presscon, hinanting at dinumog ng press people si Neil kahit saan siya pumunta, at tinanong tungkol sa relasyon nila ngayon ni Bela. Pero magalang siyang tumanggi, ang movie na lamang daw nila ang pag-usapan.

Pero sa Q and A, nalaman na si Jericho pala ang naging shoulder to cry on niya sa paghihiwalay nila ni Neil, kapag magkasama sila sa set.

“Sila kasi ni Kim Molina ang kinukuwentuhan ko kung ano ang nararamdaman ko sa nangyari,” nakangiting wika ni Bela.

“Alam ko, naaawa sila sa akin, lalo na si Jericho na alam kong naaawa lang sa akin, need ko lang may mapaghingahan.

Pero naaawa rin ako kay Echo, dahil alam kong may pinagdaraanan din siya, kamakailan lang sumakabilang-buhay ang daddy niya, ‘tapos ako maghihinga pa ng nararamdaman ko. At nakakahiya rin dahil si Echo, ina-absorb niya kung ano ang ikinukuwento ko sa kanya. Kaya naman very thankful ako sa kanya.”

All praises naman si Jericho kina Neil at Bela na very professional sa pagtatrabaho sa kanilang pelikula.

Hot topic ngayon ang issue kina Neil at Angel Locsin kaya natanong si Bela tungkol dito.

“He firmly said that I should not answer any question about him. Wala na akong say,” tanging nasabi ni Bela, pero napagsalita rin pagkatapos ng Q and A. (Lumabas kahapon. –Editor)

Ang Luck at First Sight ay tungkol kay Joma Labayen (Jericho) na naniniwala sa mga “life charms” kaya nang ma-meet niya si Diane dela Cruz (Bela), naniwala siyang ito na ang lucky charm niya. Mas naniniwala naman si Diane sa love, pero magical nga tuwing magkasama sila, dahil laging may magandang nangyayari.

Second movie na ito ni Jericho kay Direk Dan, nauna ang blockbuster nilang Walang Forever with Jennylyn Mercado.

First time naman ito ni Bela kay Direk Dan na humanga sa husay niya sa acting, iba raw ang level ng acting nito na seryoso sa role na ginagampanan.

Mapapanood simula sa May 3 ang Luck at First Sight in cinemas nationwide. (NORA CALDERON)