Maine at Alden, sasabak na sa heavy drama

Filed under Features, Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

MAINE AT ALDEN copy

TATLONG linggo nang umeere ang Destined To Be Yours kaya tatlong linggo ang kilig overload ng AlDub Nation sa eksena gabi-gabi nina Alden Richards at Maine Mendoza.

Aware ang fans na may twist ang pagmamahalang nina Benjie (Alden) at Sinag (Maine) na napapanood nila. Alam nilang may ibang motibo si Benjie sa panliligaw kay Sinag, kaya minamadali niyang mapasagot ito.

Ilang gabi nang usap-usapan ng fans and televiewers ang mga eksenang naganap sa Lover’s Cave, ang pamamasyal nila sa magagandang lugar sa Pelangi na ipinakikita ni Sinag ang mga lugar na mahal na mahal niya kaya ipinaglalaban niya at ng kanyang pamilya, na hindi nila maibenta ang kanilang lupa para sa construction project ng mga Rosales, pero lingid kay Sinag ay construction company ito ng pamilya ni Benjie.

Hindi rin nila makalimutan ang first date nina Benjie at Sinag.

Kaya may nakapagtanong kay Alden kung ano ang feeling niya ngayong nagtagumpay na siyang mapaibig si Sinag.

“May takot na po sa puso niya si Benjie,” sagot ni Alden. “Kasi nararamdaman na rin niyang mahal niya si Sinag pero nangingibabaw sa kanya iyong makalapit na siya sa kanyang lolo at tanggapin siya sa pamilya nila kapag nagawa niya ang misyon na ibinigay nito sa kanya, ang mapaalis ang lahat ng mga tao sa Pelangi, kasama ang Obispo family ni Sinag.”

Tanong naman kay Maine, ano ang magiging epekto nito kay Sinag?

“Hindi ko po alam kung paano magri-react si Sinag kapag nalaman na niya ang totoo,” sagot ni Maine. “Nakita po nating palaban si Sinag lalo na pagdating sa kanyang pamilya. Ewan ko lang kung alin ang mananaig sa kanya, ang kanyang pamilya o ang pagmamahal na niya kay Benjie. Minsan na siyang nabigo sa unang boyfriend niya, at sabi nga niya, ayaw na niyang mangyari ulit sa kanya ‘yon. Baka iyon ang lalong magpatapang sa kanya.”

Tiyak na magkakaroon ng pagbabago sa acting nina Alden at Maine. Ready na kaya si Maine sa mas matinding aktingan? Si Alden, alam na nating kayang gampanan maging ang mahihirap na eksena, pero nakita na rin namang may paiba-ibang acting na ipinakikita si Maine, depende sa acting na ibinibigay sa kanya.

This week, ibang Benjie at Sinag na ang mapapanood, from kilig to drama. Dahil magkikita na rin sina Teddy (Gardo Versoza) at Amanda (Lotlot de Leon). Si Teddy kasi ang dahilan kung bakit namatay ang asawa niya kaya maagang nawalan ng ama ang anak niyang si Benjie. Lalong kaabang-abang ang mga susunod na eksena. (NORA CALDERON)