Jiro Manio, kailangan pang manatili sa rehab ng 18 buwan

Filed under Features, Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

JIRO AT AI AI copy

GUSTUNG-GUSTO na ng mga kamag-anak ni Jiro Manio na ilabas sa rehabilitation ang aktor. Katwiran ng mga ito, puwede na raw pumunta at magtrabaho si Jiro sa Japan at naroroon ang biological father ng actor.

Pero kung si Ai Ai de las Alas ang masusunod, tutol siya sa desisyon ng mga kamag-anak ni Jiro dahil alam ng aktres na kailangan pa nitong manatili sa rehab para tuluyan nang gumaling.

Kay Ai Ai sumang-ayon si Jiro. Ayon sa nakausap naming katoto na malapit kay Jiro, nagpahayag na ang aktor na mas gusto niyang manatili muna sa rehab at sundin ang kagustuhan ng itinuturing niyang ina-inahan.

Sabi ng kausap namin, may mga dapat at kailangan pang tapusin si Jiro sa programang ibinigay sa kanya ng pinasukang rehabilitation center.

“After-care program daw ang tawag doon na tatagal pa ng labing-walong buwan.”

Paglilinaw pa ng kausap namin, kapag nakita raw ng namamahala ng rehab na maganda na ang ipapakitang performance ni Jiro sa after-care program ay maaari nang maging volunteer ng center ang aktor at kalaunan ay puwede na rin daw namang magtrabaho bilang staff member.

Dahil daw sa pahayag na ito ng namamahala ng rehab, lalong nanaig kay Jiro ang kagustuhan na tapusin ang pagpapa-rehab.

Mahigit isang taon nang namamalagi sa center si Jiro at dalawang beses pa lamang daw nadadalaw ng kanyang pamilya.

Binanggit na rin daw ni Jiro na kapag tuluyan siyang gumaling o kapag natapos na niya ang after-care program, haharapin niyang muli ang kanyang showbiz career.

Bukod kay Ai Ai de las Alas, marami pang ibang mga taga-showbiz ang nakahandang tumulong kay Jiro para makabalik sa showbiz, alam nila na ito lang ang alam niyang puwedeng pagkikitaan. (JIMI ESCALA)