‘TALANGKA SA LUNETA’ NASA BUONG METRO NA

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

DEKADA ‘80 nang marinig ko ang mga salitang “Talangka sa Luneta”—tawag sa grupo ng kawatang pulis, barangay tanod at nagpupulis-pulisan—na ang mga binibiktima ay ‘yung sinasabi sa kanta ni Rico J. Puno na magsing-irog na “namamasyal pa sa Luneta na walang pera.”

Kaya nasa Luneta ang mga magkasintahan ay dahil wala ngang pera at dito ang pinakasimpleng pasyalan noon. Ngunit ang nakalulungkot, “nasisipit” pa ang kakarimpot nilang barya sa bulsa ng mga “talangka” na nag-aabang lang na magyapusan o maghalikan ang magkasi upang akusahan ng “public scandal” kung hindi maglalagay sa kanila.

Nabanggit ko ito ngayon dahil nagulat ako sa balitang may tatlong pulis sa Parañaque, kabilang na ang kanilang kumander sa Police Community Precinct (PCP), ang iniimbestigahan ngayon matapos ireklamo ng magkasintahan na umano’y kinotongan nila, ngunit sa pagkakataong ito ay hindi na barya ang hiningi, kundi P50,000 matapos sitahin sa loob ng isang nakaparadang kotse sa tabing kalsada sa lugar na sakop ng Sun Valley PCP, at akusahan ng “public scandal” noong Marso 5 ng madaling araw.

Natakot yata ang magkansintahan – na noo’y may pinagtatalunan lang daw sa loob ng kotse kaya’t pumarada saglit sa isang tabi – na ma-eskandalo at baka maging biktima ng “Tokhang” kaya inilabas agad ang perang dala-dala.

Dati-rati, sa pagkakaalam ko, sa gawing Roxas Blvd. at buong Luneta Park lang ang ganitong gimik ng mga tiwaling pulis at mga tanod – ngayon pala ay halos nasa buong Metro Manila na ang operasyon ng mga bagong binhi ng “talangkang” ito.

Ang mga lugar na talamak ngayon, bukod sa Luneta ay sa Quezon Memorial Circle, UP Diliman compound at Libis sa Quezon City, Greenhills sa San Juan, Metrowalk sa Pasig at sa The Fort sa nasasakupan ng Makati at Taguig. Ang dating barya-baryang pangingikil ay libuhan na ngayon, dahil karamihan sa nabibiktima ay nakasakay na sa magagarang kotse… na palaging may lamang pera ang mga ATM sa pitaka, at mga takot na mai-post sa social media ang pagkakahuli sa kanila.

Ayon sa police report – ang tatlong pulis na iniimbestigahan ay sina Inspector Mahlail Anthony Carpizo, PO1 Gerson Maranan at PO1 Jason Tiamson. Sa tatlo, si PO1 Tiamson na lang ang hindi nagpapakita sa mga imbestigador ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kung saan agad na dinisarmahan ang naunang dalawang pulis.

Sinisiguro ng pamunuan ng NCRPO na makakatikim ng karampatang parusa ang tatlong pulis na ito kapag napatunayan ang akusasyon sa kanila ng magkasintahan…Aba’y dapat lang po mga sir! Sibakin, kasuhan at ipakulong agad sa Munti para huwag pamarisan— huwag basta na lang ipatapon sa Basilan at kawawa naman ang mga tagaroon. Nagiging tapunan ng basura ang magandang isla nila!

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: daver@journalist.com (Dave M. Veridiano, E.E.)