‘Illegal recruiter’ laglag

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

PEÑARANDA, Nueva Ecija – Swak sa kulungan ang isang 41-anyos na umano’y illegal recruiter makaraang maaresto sa entrapment operation sa Barangay Poblacion II sa Peñaranda, Nueva Ecija.

Sa ulat ng Peñaranda Police kay Mayor Ferdinand Abesamis, nakilala ang suspek na si Glocinia Paras Mangahas, ng Bgy. Poblacion IV, na inakusahan ng estafa thru illegal recruitment ng magkapatid na Marlene Naval Paras, 23; at Harriet Dianne Naval Paras, 22, kapwa taga-Bgy. San Mariano, Peñaranda.

Bandang 1:30 ng hapon nitong Marso 16 nang nasukol si Mangahas ng mga awtoridad sa entrapment operation ng mga ito sa isang kainan sa Bgy. Poblacion II.

Ayon sa report, pinangakuan umano ni Mangahas ang magkapatid na makasasampa sa barko at nakolektahan na ng P48,000 cash hanggang makumpirmang walang koneksiyon ang suspek sa anumang maritime agency at pekeng travel information ang nakatatak sa seaman’s book ng umano’y mga biniktima nito. (Light A. Nolasco)