Mga lumang artista, napapansin uli sa ‘Probinsyano’

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

NATAWA kami sa komento ng kasama namin sa bahay nang tanungin namin kung ano na ang latest sa Ang Probinsyano ni Coco Martin na hindi namin nasusubaybayan nitong mga huling linggo.

“Hayun,” sagot sa amin, “puro lumang artista na ang mga nasa Probinsyano, nabuhay na sila.”

Matatandaan na nagkuwento si Coco kamakailan na gusto niyang bigyan ng exposure sa serye niya ang mga datihang artista para malaman ng tao na alive and kicking pa sila, at higit sa lahat kung may producers na nanonood, puwede silang isama sa upcoming projects ng mga ito.

Bilang bahagi ng creative team ng Probinsyano, layunin ni Coco na makatulong ang show na mapansin ulit ng producers ang mga dating artista. Isang paraan ito ng pasasalamat ng aktor sa kanila dahil sila rin ang mga nakasama niya noong nagsisimula pa lamang siya bilang indie actor.

Iba pa rin kapag seasoned actors ang napapanood, dahil kahit “lumang artista” o nagkakaedad na ay mahusay talaga ang delivery nina Ronnie Lazaro, Jeric Raval, Michael de Mesa, Jake Roxas, Sonny Parson, Long Mejia at iba pa.

At in fairness, napapaarte maski paano si Sam Pinto bilang si Sexy na may gusto kay Coco na pinagseselosan naman ni Yassi Pressman.

Tinanong naman kami ng kasama namin kung nasaan na raw si Don Emilio Syquia na ginagampanan ni Eddie Garcia at kung totoong nagkaroon ng car accident habang nasa taping ng Probinsyano.

Nagpapagaling si Manoy, pero hindi kami sigurado kung car accident nga ang dahilan kaya siya pansamantalang nawala sa serye. May nabasa kasi kaming nadapa o natapilok siya sa isang lugar at malubha ang naging pinsala sa tuhod.

Hindi siyempre kumpleto ang istorya kung hindi na magpapakita si Don Emilio, na lolo ni Joaquin Tuazon (Arjo Atayde), dahil sila ang magkakampi para itumba si Cardo Dalisay (Coco).

Samantala, may mga batang talent na palang kasama si Onyok sa kuwento. Mukhang nakadiskubre na naman si Coco ng bagong mukhang mamahalin ng televiewers.

Anyway, patuloy pa ring namamayani ang FPJ’s Ang Probinsyano sa ratings game sa Primetime Bida. (Reggee Bonoan)