Heb 11:1-7 ● Slm 145 ● Mc 9:2-13

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

Isinama ni Jesus sina Pedro, Jaime, at Juan, at umakyat na sila lamang ang kasama sa isang mataas na bundok. At nagbago ang anyo ni Jesus sa harap nila at kuminang na puting-puti ang kanyang damit, na walang makapaglalabang simputi niyon sa lupa. At napakita sa kanila sina Elias at Moises na nakikipag-usap kay Jesus.

Kaya nagsalita si Pedro at kanyang sinabi: “Panginoon, mabuti at narito tayo. Gagawa kami ng tatlong kubol: isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias.” Nasindak sila kaya hindi niya malaman kung ano ang sasabihin.

At may ulap na lumilim sa kanila. At narinig mula sa ulap ang salitang ito: “Ito ang aking Anak, ang Minamahal, pakinggan ninyo siya.” At biglang-bigla, pagtingala nila, wala silang nakita liban kay Jesus na kasama nila.

At pagbaba nila mula sa bundok, inutusan niya sila na huwag sabihin kaninuman ang nakita nila hanggang makabangon ang Anak ng Tao mula sa mga patay. Iningatan nila ang bagay na ito sa kanilang sarili pero nagtanungan sila kung ano ang pagbangon mula sa mga patay.

PAGSASADIWA:

Panginoon, mabuti at narito tayo. Gagawa kami ng tatlong kubol: isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias.—Ayaw na ni Pedro at ng kanyang mga kasama na bumaba pa ng bundok dahil sa naranasan nilang kaluwalhatian na ipinakita ni Jesus sa kanyang pagbabagong-anyo. “Natikman” ni Pedro ang Langit kaya gusto na niyang lubusin na ito.

Sabihin na nating nalasing siya sa kaligayahang hatid ng pagliliwanag ng anyo ni Jesus.

Lingid sa kaalaman ni Pedro, ang tagpong iyon ay isa lamang pagpapamalas ng tagumpay at kaluwalhatiang natatago sa likod ng haharapin pang paghihirap at kamatayan ni Jesus sa Jerusalem. Hindi kamatayan ang wakas ng buhay ni Jesus sapagkat mabubuhay siyang muli.