MATALAS ANG MATA, TENGA AT ILONG NG CITF

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

NANG buwagin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Anti-Illegal Drugs Group (AIDG) dahil sa pagkakasangkot ng mga tauhan nito sa mga kontrobersiyal na krimen gaya ng “TOKHANG-FOR-RANSOM”, agad binuo ni Philippine National Police Chief Ronald “Bato” dela Rosa ang Counter-Intelligence Task Force (CITF) para maging MATA, TENGA at ILONG ng PNP laban sa mga tiwaling pulis.

Kapag tinalasan ng grupong ito ang kanilang paningin, pandinig at pang-amoy ay siguradong walang makalulusot na tiwaling pulis sa mga sensitibong puwesto sa PNP gaya ng mga nakahihiyang pangyayari sa PNP at sa iba pang operating unit ng pamahalaan sa nagdaang mga araw.

Sa aking obserbasyon, sa mga nagdaang administrasyon – maliban sa kakatapos lang na hindi ko naramdaman na meron nito – ay napakaepektibo ng mga counter-intel group. Kaya lang, hindi lahat ng kanilang mga “output” ay nagagamit para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino – mas madalas ay para lamang sa pansariling kapakanan ng ilang pinuno sa pamahalaan.

Pinakamatindi ang counter-intel operation noong panahon ni Pangulong Fidel V. Ramos. Kabi-kabila ang monitoring ng bawat grupo kaya palaging nakaka-bull’s eye si FVR sa kanyang mga biglaang desisyon, lalo pa’t ang nakataya ay ang integridad ng mga sensitibong opisina at ang pambansang seguridad. May nakalulusot, siguro maliit na porsiyento lamang.

Kailangan ito ni Pangulong Duterte – grupong magbibigay ng mga impormasyong hindi lamang magaganda, mababango at masarap sa tenga, kundi pati na rin ‘yung pangit na mga nangyayari at mangyayari, mga masakit marinig na katotohanan ngunit dapat niyang malaman – laban sa mga pulis at militar at maging ng mga opisyales na nakapaligid lang sa kanya.

Ang mga reklamo sa mga korte, lalo na sa Ombudsman, ay dapat maging bahagi ng mga impormasyong nakukuha at naba-validate ng mga counter-intel group upang maiwasang mailagay sa sensitibong puwesto ang mga may patong ang kaso at manatili naman ‘yung mga kinasuhan habang nasa puwesto.

Isang halimbawa rito ay ang mga reklamong anti-graft na inihain sa Ombudsman noong Enero 15 at… 16, 2017 laban sa apat na opisyal – sina Aaron James R.Veloso, Isabelita G. Somozo, Ranulfo A. Sevilla, Gloria Mercado, na nakakuha pa ng mga importanteng puwesto sa Malacañang, tangay-tangay ang ilan pa nilang tauhan mula sa pinanggalingang opisina.

Ang mga reklamo ay isinampa ng grupong Anti-Trapo Movement of the Philippines (ATMP) sa pangunguna ni Leon E. Peralta.

Paulit-ulit ang ganitong pangyayari sa pamahalaan – ang magkaroon ng mga opisyal na tadtad pala ng kaso pero nakakakuha pa rin ng puwesto – hanggat ang counter-intel group ay nananatiling BULAG, BINGI AT PIPI sa kanilang trabaho.

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: daver@journalist.com (Dave M. Veridiano, E.E.)