MASAHOL PA SA ILEGAL NA DROGA

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

LETHAL injection, firing squad o bigti ang ipinapanukalang paraan ng pagpatay sa pagbabalik ng parusang kamatayan na nakabimbin sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Ang panukala ay prayoridad ni Pangulong Digong na maipasa ng Kongreso sa kanyang paniniwala na ito lamang ang remedyo upang masupil ang ilegal na droga. Pero, may iba pang krimen ang nais ng mga mambabatas na masakop ng nasabing panukala. Isa na nga rito ang plunder na mahigpit na tinututulan ni Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali. Pera-pera lang daw ang isyu sa plunder. “Higit na malaki ang posibilidad na magbago ang magnanakaw,” wika niya, “kaysa pumapatay ng tao.”

Kapag ikaw, aniya, ay gumawa ng karumal-dumal na krimen, ibang usapan na ito. Wala ka na sa iyong katinuan.

Matanong nga si Congressman: Nasa katinuan ba ang mga opisyal ng gobyerno na wala nang ginawa kundi ang nakawan ang taumbayan? Wala naman silang ipinagbago. Habang nagtatagal ay palaki nang palaki ang kanilang ninanakaw. Kaya nga nagkaroon na ng kasong plunder. Pinaparusahan nito ang sinumang magnanakaw ng hindi bababa sa P50 milyon. Ginawa na nilang negosyo ang posisyon sa gobyerno. Dahil matagumpay nilang pinagkakakitaan ito, ayaw na nila itong bitiwan. Ang pangunahing paraan nila kaya nanatili sila sa puwesto ay dahil na rin sa ninakaw nilang salapi ng bayan. Pinambili ng boto at ginagastusan nila ang lahat ng paraan ng pandaraya para magwagi sila. Kaya, naaari na nila ang posisyon sa gobyerno. Kapag natapos na ang kanilang termino, ang kapamilya naman nila ang… humahalili sa kanila. O kaya, lahat ng puwesto sa gobyerno ay okupado na ng mga miyembro ng iisang pamilya. Ayaw nilang magpasa ng batas upang mapairal ang probisyon ng Saligang Batas na nagbabawal ng political dynasty.

Tutol ako sa death penalty dahil hindi ito ang magpapatahimik sa ating lipunan kundi ang mga hakbang na gigiba ng kahirapan tulad ng pagbasura sa privatization, deregulation, import liberalization at pagpapairal ng tunay na reporma sa lupa.

Pero, kung nais na ibalik ng ating mga pinuno ang death penalty, ang dapat patawan ay ang magkapatid na plunder at pandaraya sa eleksiyon. Sila ay masahol pa sa mga sangkot sa droga dahil sila mismo ang dahilan kung bakit halos lahat ng napatay sa droga ay mga dukha. (Ric Valmonte)