Teng, masusubok sa D-League opening

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

MAPAPALABAN kaagad ang top draft pick na si Jeron Teng sa pagsalang ng kanyang koponang AMA Online Education kontra baguhang Province of Batangas sa 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup sa Enero 19 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Pangungunahan ng dating La Salle skipper at UAAP finals MVP ang Titans kontra sa mga Batangueño sa nag-iisang laro ganap na 3:00 ng hapon matapos ang simpleng opening rites ganap na 2:00 ng hapon.

Kabuuang 10 koponan ang maglalaban- laban sa season opener sa pangunguna ng mga paboritong Cafe France, Tanduay, at Racal.

Batay sa format, lalaro ang mga kalahok sa isang single round robin kung saan ang top two teams ay direktang papasok sa semifinals at ang bottom 4 ay mai-eliminate, habang ang no.3 hanggang no.6 squads ay sasabak sa quarterfinals kung saan may bentaheng twice-to-beat advantages ang no.3 at no.4 team.

Ang magwawagi sa nasabing quarterfinal round ay makakaharap ng mga outright semifinalists sa best-of-3 series kung saan ang mananalo ay magtutuos sa best-of-3 championship duel. (Marivic Awitan)