Gumabao, lilipat ng koponan

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

NABIGO ang Pocari Sweat na mapalagda ng bagong kontrata ang kanilang dating team captain na si Michele Gumabao.

Ito’y matapos na hindi magkasundo ang magkabilang panig sa alok na bagong kontrata para sa nakaraang Shakey’s V League Invitationa Finals MVP.

Nauna rito, nagpalakas ng line-up ang Lady Warriors matapos kunin ang serbisyo nina Fille Cainglet-Cayetano at Jessey De Leon makaraang ma-renew ang kontrata nina Myla Pablo, Melissa Gohing, Elaine Kasilag, at Desiree Dadang.

Nais umano ni Gumabao na magkaroon ng panibagong panimula at wala itong anumang sama ng loob sa dating koponan.

Ang 24-anyos na dating La Salle standout ay bahagi na ng koponan noon pang 2015 nang lumahok ito sa PSL bilang Philips Gold Lady Slammers bago lumipat ng V league dala ang pangalang Pocari Sweat.

Sa hinuha ng marami, posibleng magbalik ang two-time V-League Best Opposite Spiker sa PSL kung saan napapabalitang nais siyang kunin ng dating coach na si Ramil de Jesus para sa koponan ng F2 Logistics Cargo Movers. (Marivic Awitan)