‘GOOD CHANGE’

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

‘YAN ang buod ng pagbati ni Vice President Leni Robredo sa sambayanang Pilipino nang salubungin ang Bagong Taon.

Kaaya-ayang mga salita dahil sino nga naman ang kokontra sa pagnanais ng mabuting pagbabago? Aakalain mo na isang magandang pangitain ang mga katagang nasambit, higit, galing sa pangalawang magulang ng bansa.

Kaya lang, sa mas malalim na kamulatan, hindi ba parang ang dating ay patutsada? At ang tinutukoy ay ang sinisipat na “bunga” sa mas mataas na sanga ng pamahalaan? Magugunita, ang dagundong ng tagumpay ni Pangulong Rodrigo Duterte ay dahil sa platapormang “Change is coming”. Halos pitong buwan lang lumakbay, “good change” ang kambyo ni Robredo na animo’y inosenteng pita lang para sa bansa. Yun pala, pitik na sa kasalukuyang “change” ng pangulo.

May pinaghuhugutan ang pananalya ng Bise Presidente. Sa ilalim ng maamong ngiti at plantsadong pangongopya sa patay-maling anyo, bilang isang balo, may-bahay, at napilitan lang, tulad ni Cory Aquino, ang nagbabagang pintig ng pamumulitika. Ano pa ba ang nanaisin ng isang bise presidente? Walang iba kundi maging presidente! Bobo ang natatangay sa pagbabalat-kayo na abogado pala, at may malalim na kuwento tungkol sa ugnayan nito, hindi lang sa maka-masang usapin, kundi maging sa nakakubling kasaysayan, ‘di umano, sa New People’s Army.

Kung susumahin ang huling mga salita ni Ma’am Leni, may koneksiyon ito sa una pang maaalat na pananaw laban kay Digong na tahasang isinapubliko. Ipagsama-sama ang noo’y mga puna nito pagkatapos tanggapin ang alok sa Gabinite, at ang pustura bistado: 1) Hinambalos ang “extrajudicial killings”; 2) Galangin “human rights”; 3) Pagbastos daw kay Senador Leila de Lima batay sa binitawang salita ni Digong; 4) Patulan biro ni Digong tungkol sa damit nito; 5) Pagsalungat sa paglibing kay Marcos; 6) Pagtutol sa parusang “death penalty”; 7) Pagpiglas sa pagpapababa ng edad ng batang kriminal. At ang “good change”na ikawalo sa talaan; ikasiyam ang “Rehab mabagal” sa mga tinamaan ng Bagyong Nina.

Nagpakatotoong manghambalos, kasi hindi na kapamilya ng administrasyon. Ayos lang ba magbunganga kay Digong? Hindi sana tinanggap ang maging kalihim noon, kung nagpupumiglas at nagngingitngit pala ang dibdib sa kasalukuyang pamamalakad. (Erik Espina)