Barangay chairman binoga patalikod

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

SAN NICOLAS, Pangasinan – Kaagad na nasawi ang isang barangay chairman makaraang pagbabarilin ng isang lalaking sakay sa motorsiklo sa Barangay Calaocan sa San Nicolas, Pangasinan.

Sa panayam kahapon kay Senior Insp. Arnold Soriano, hepe ng San Nicolas Police, sakay sa kanyang motorsiklo si Rolando Mejia, 59, may asawa, chairman ng Bgy. Calaocan, nang sundan ng suspek dakong 7:15 ng umaga nitong Martes.

Batay sa report ng Pangasinan Police Provincial Office, may tumawag sa cell phone ni Mejia kaya huminto ito at sinagot ang tawag na sinamantala naman ng suspek at binaril ang kapitan mula sa likuran.

Isang .45 caliber pistol ang gamit ng nag-iisang suspek, na nakasuot ng leather jacket.

Tatlong basyo ng bala ng nasabing baril ang natagpuan sa crime scene.

Ayon sa impormasyong nakalap ng Balita, masigasig na sumusuporta si Mejia sa kampanya kontra droga at pinaniniwalaang may kinalaman ito sa pagpatay sa kanya.

Bumuo na rin ng Task Force Group ang Pangasinan PPO para imbestigahan ang kaso. (Liezle Basa Iñigo)