PAGLILINGKOD SA BAYAN

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

SA pagdiriwang ng ika-100 taon ng aking alma mater noong nakaraang taon, naimbitahan akong magsalita tungkol sa paglilingkod sa bayan. Ang aking talumpati sa Alumni Homecoming ng University of the Philippines-College of Business Administration noong Disyembre 6, 2016 ang batayan ng pitak na ito.

Isang hamon ang pagtalakay sa nasabing paksa dahil naniniwala ako na ang paglilingkod sa bayan ay malalim at personal. Hindi ako dalubhasa sa paksang ito.

Ngunit naniniwala ako na may mga hangarin na ating mapagkakasunduan. Halimbawa, ang pag-ibig sa bayan ay isang kondisyon sa paglilingkod sa bayan. Gaya nga ng sinulat ni Andres Bonifacio: “Pakatandaang lagi na ang tunay na pag-ibig sa Diyos ay siya ring pag-ibig sa Tinubuan, at iyan din ang pag-ibig sa kapwa.”

Sa aking pananaw, ito ang papel na ginagampanan sa kasaysayan ng Unibersidad ng Pilipinas at ng iba pang paaralan.

Dapat turuan ng mga paaralan ang kabataang Pilipino hindi lamang upang maging mabuting empleyado o negosyante kundi maging mabuting Pilipino sa pamamagitan ng paghubog sa kanila upang magkaroon ng “pag-ibig sa tinubuang lupa.”

Natatandaan pa ba ninyo ang “Panatang Makabayan” na binibigkas natin araw-araw? Sa kasalukuyan, ganito ang huling bahagi: “Iaalay ko ang aking buhay, pangarap, pagsisikap sa bansang Pilipinas.”

Mas gusto ko ang orihinal na pananalita dahil mas malakas ang paninindigan: “Paglilingkuran ko ang aking bayan nang walang pag-iimbot at nang buong katapatan. Sisikapin kong maging isang tunay na Pilipino sa isip, sa salita, at sa gawa.”

Payak lamang ang aking mga pangarap noong aking kabataan: Magkaroon ng mabuting buhay at magandang kinabukasan. Wala akong interes sa pulitika at hindi ako nangarap na maging kongresista, senador o pangulo.

Nagbago ang lahat nang pumasok ako sa UP noong 1966. Ang mga taon na ginugol ko sa UP, lalo na sa College of Business Administration, ang nagbigay sa akin ng oportunidad na mangarap nang matayog.

Nakasalamuha ko ang matatalinong tao na nangarap nang mas malaki kaysa sa kanila, at marami sa aking mga kaklase ang ibig baguhin ang mundo. Sabi ko sa aking sarili: “Gusto ko lang baguhin, eh palakihin ang negosyo namin, samantalang itong mga kaklase ko gustong baguhin ang mundo.”

Hangad ko pa rin na bigyan ng mabuting buhay ang aking pamilya ngunit napagtanto ko na maaari rin akong lumaban upang bigyan ng mabuting buhay ang aking mga kapitbahay, komunidad at bansa.

Walang sapat na aklat upang maging patnubay sa paglilingkod sa bayan, dahil gaya ng sinabi ko sa simula, ito ay isang personal na bagay. Bawat Pilipino ay maaaring gamitin ang sariling talento, pagkamakabayan at karunungan upang tulungan ang bayan.

Kung magtatayo ng negosyo, magbayad ng tamang buwis, at magbigay ng trabaho sa mga Pilipino, kasama ang lahat ng karampatang benepisyo. Kung nasa pamahalaan, maging isang huwarang lingkod-bayan. Kung nasa larangan ng pamamahayag at iba pang media, itaguyod ang katotohanan. Kung mangingibang-bansa, matutulungan hindi lamang ang sariling pamilya kundi maging ang ekonomiya sa pamamagitan… ng remittances.

Bawat Pilipino ay maaaring maglingkod sa bayan sa sariling paraan, ngunit tandaan na kailangang magkaisa at magtulong-tulong ang lahat.

Naging bahagi rin ako ng mga demonstrasyon noong nasa UP pa ako, gaya ng karamihan sa mga estudyante sa nasabing institusyon, lalo na sa kainitan ng First Quarter Storm.

Hindi ako isang radikal na aktibista ngunit namangha ako sa kapangyarihan ng kamalayang panlipunan na pag-isahin ang kabataan na may iba’t ibang pinagmulan upang magkaisa sa isang layunin. Iyon ay isang karanasan na nagpabago sa aking buhay, at isang bahagi ng ating kasaysayan na nagpabago sa ating bayan.

(Ipadala ang reaksiyon sa: mbv.secretariat@gmail.com o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (Manny Villar)