MABUHAY ANG RUSSIA!

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

SIGAW ni President Rodrigo Roa Duterte noong Biyernes nang mag-tour siya sa bumisitang Russian warship sa Pilipinas: “Mabuhay ang Russia.” Kasama niya sa pag-tour sa Russian anti-submarine Admiral Tributs na nakadaong sa South Harbor, Manila, sina National Security Adviser Hermogenes Esperon, DFA Sec. Perfecto Yasay, Defense Sec. Delfin Lorenzana, presidential assistant Bong Go, Sen. Alan Peter Cayetano at AFP Chief of Staff Eduardo Ano, na nagpakita ng PDu30 “signature fist gesture” o ng nakatikom na kamao.

Nakatikom din ang mga kamao nina Rear Admiral Eduard Mikhail, deputy commander ng Russian Navy’s Pacific Fleet, Russian Ambassador Igor Khovaev, at Lt. Commander Artem Kolipaschicov. Ipinahayag ni Mano Digong na umaasa siya na magiging kaalyado at protektor ng Pilipinas ang Russia. Parang ibig sabihin ay bigyan ninyo kami ng mga armas at tulungan sa ekonomiya dahil galit ngayon ang US.

Talaga bang determinado si Mano Digong na akayin ang Pilipinas sa panig ng bansa ni Pres. Vladimir Putin at sa China upang “pasakitan” ang United States dahil lamang sa inusisa noon ni Pres. Barack Obama ang umano’y extrajudicial killing (EJK) at human rights violations (HRVs) ng kanyang administrasyon kaugnay ng isinusulong niyang drug war?

Hindi lang sa US galit ang pangulo kundi maging sa United Nations, at European Union kundi maging kay Sen. Leila de Lima na muhing-muhi siya dahil sa ginawang pag-iimbestiga sa kanya noong siya pa ang alkalde ng Davao City tungkol sa umano’y Davao Death Squad (DDS). Kasama ni PRRD sa “pagpapahirap” sa senadorang may “balls” si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na nagdala pa ng mga convicted felon at drug convicts sa House committee on justice noon para tumestigo laban kay Delilah, este De Lima.

Natural, sabi nga mga observer noon, tiyak na ididiin ng mga bilanggong (high-profile prisoners) na kinuha mula sa New Bilibid Prison (NBP) ni Aguirre, tulad nina Herbert Colangco, Peter Co, Col. Magleo at iba pa, si De Lima na nais ni Pres. Rody na isangkot sa illegal drug trade sa bilangguan para gamitin daw ang pera sa kanyang kampanya noong May 2016 election. Tiyak na hindi lulubayan ng pangulo si Sen. Leila upang ito’y mabilanggo o kaya’y mapatalsik sa Senado.

Siyanga pala, ilan ba ang mga Pinoy na nasa Russia o nagtatrabaho roon? Ilan din ba ang mga kababayan natin na nasa China o nagtatrabaho roon? At ilan din ang mga Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho sa United States? Kung ang talagang hangarin ni PDu30 ay kabutihan at kagalingan ng mga Pinoy, dapat ay hindi niya awayin ang US sapagkat batay sa record, humigit-kumulang apat na milyong (4 million) Pilipino ang nasa US samantalang kakapurit lamang ang nasa China at Russia.

Kung sumigaw ng “Long Live Russia” ang ating pangulo, sisigaw din kaya siya… ng “Mabuhay” sa China na ngayon ay patuloy sa pag-okupa sa parte ng karagatan (West Philippine Sea) na saklaw ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ)?

Sana ay magsagawa ng panibago at tunay na surveys ang Social Weather Station (SWS) at Pulse Asia tungkol sa damdamin ng mga Pinoy sa pag-pivot (pagbaling) ni Mano Digong sa Russia at China at paglayo sa US. Ilahad ninyo ang tunay at matapat na resulta ng inyong mga survey at huwag matakot! O, magsisimula na kaming mag-aral ng Russian language at Mandarin? (Bert de Guzman)