Duguang bumulagta ang isang barangay tanod na umano’y tulak ng ilegal na droga makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Parañaque City, kahapon ng madaling araw.
Ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang sanhi ng pagkamatay ni Emilliano Pahayhay, alyas “Intoy”, tinatayang nasa 40 hanggang 45-anyos, ng Barangay Tambo ng nasabing lungsod.
Blangko pa ang pulisya sa pagkakakilanlan ng dalawang suspek na sakay sa motorsiklong walang plaka.
Sa ulat na natanggap ni Parañaque City Police chief Senior Supt. Jose Carumba, dakong 1:20 ng madaling araw nangyari ang pamamaril sa Quirino Avenue, Bgy. Tambo.
Nakatambay umano sa lugar ang biktima nang sumulpot ang mga suspek at walang salitang pinagbabaril si Pahayhay.
Ayon kay Carumba, malaki ang posibilidad na may kinalaman sa ilegal na droga ang motibo sa pamamaril lalo na’t kilala umano itong drug pusher sa kanilang lugar.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Bella Gamotea)