KINATUTUWAAN araw-araw ng AlDub Nation ang napapanood sa kalyeserye ng Eat Bulaga na buhay may-asawa nina Mr. & Mrs. Alden Richards.
Ang bilis-bilis daw ng mga pangyayari sa buhay nila simula nang ‘ikasal’ sila noong October 22.
After a week ng wedding, ‘nag-honeymoon’ sila sa Europe. Umalis sila noong November 1 for London and Germany.
Nagbabalita lamang sa televiewers sina Lola Nidora (Wally Bayola), Lola Tidora (Paolo Ballesteros) at Lola Tinidora (Jose Manalo) kung ano nangyayari sa honeymoon nila.
Pero nang bumalik sila sa bansa nitong nakaraang Lunes, ang bilis na ng mga nangyayari. Tinanong agad ng mga lola si Maine kung may pumipintig na sa sinapupunan niya, na siyempre’y wala pa raw, ang bilis naman. Pero bago natapos ang episode, may gusto nang ipagtapat si Maine kay Lola Nidora na inabutan ng busina, kaya sabi ni Bossing Vic Sotto, hindi sila papayag kung hindi nila malalaman kung ano ang sekreto ni Maine.
Tuesday, ipinagtapat ni Yaya Dub (Maine Mendoza) na madalas sumasakit ang ulo niya at nahihilo siya, siguro raw hindi pa sila nakakapag-adjust sa oras, may jet lag pa sila at si Alden daw malakas maghilik. Kaya lang, biglang tumayo si Maine at nagsuka sa lababo ikinagulat maging ni Alden.
At nu’ng Wednesday, alalang-alala si Nidora, pero sina Tidora at Tinidora, excited, duda nila magkakaroon na sila ng apo sa tuhod — na tuwing babanggitin nila ay hinihimatay si Nidora. Titingnan daw nila kung may sign na talaganjg magkakaapo na sila tulad halimbawa kapag humingi na ng maaasim na pagkain si Maine.
Nang finally ay nakapasok na sila ng bahay ng mag-asawa, maayos naman ang dalawa at nakabawi na raw sila sa jet lag, si Maine, sinilbihan pa ni Alden ng almusal na iniluto niya, breakfast in bed ang mag-asawa.
Ang siste, biglang humingi si Maine ng maasim na maasim na mangga na may bagoong, kaya hinimatay na naman si Lola Nidora.
Mabilis namang nakapaglabas ng manggang hilaw si Alden at saka sinabi ni Maine, na may ipagtatapat sila ni Alden sa kanila. Pero biglang si Maine naman ang hinimatay at nang buhatin siya ni Alden, at hindi pa ito natatauhan.
Ano kaya ang dahilan, bakit hinimatay si Maine? Alamin natin sa pagpapatuloy ng daily episode ng kalyeserye.