Carrasco, diniskuwalipika rin ng POC Comelec

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

Sinabi kahapon ni Philcycling secretary general Billy Sumagui na kinatigan ng election committee ng Philippine Olympic Committee ang ‘disqualification case’ para pigilan si Tom Carrasco ng triathlon na tumakbong chairman sa gaganaping POC election sa Nobyembre 25.

“They voted to grant my protest to disqualify Carrasco but also disqualified Tolentino,” pahayag ni Sumagui patungkol sa hiwalay na apela sa naunang desisyon ng POC Comelec na idiskuwalipika si Philcycling president Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino.

Wala namang opisyal na pahayag ang Comelec hingil dito.

Nitong Lunes, kinatigan din ng Comelec ang naunang desisyon na idiskuwalipika si Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP) president Ricky Vargas para sa pagtakbo sa POC presidency laban kay incumbent Jose ‘Peping’ Cojuangco.

Ayon sa kampo ni Vargas, walang nalalabing paraan kundi ang huminge ng TRO (Temporary Restraining Order) sa mababang hukuman upang labanan ang legalidad ng naturang desisyon.

Batay sa apela ni Sumagui, hindi na dapat payagan si Carrasco para sa re-election sa chairmanship dahil hindi na siya pangulo ng kanyang asosasyon na siyang ‘requirement’ para sa naturang posisyon. (Angie Oredo)