Hindi na malilitis pa ang kaso ng isang preso, nahaharap sa kasong pagnanakaw, nang mamatay dahil sa diarrhea habang nakakulong sa detention cell ng Manila Police District (MPD)-Station 9 sa Malate, Maynila, kahapon ng umaga.
Kinilala ni Police Supt. Romeo Odrada, station commander ng MPD-Station 9, ang biktima na si Christopher Antonio, 40, ng 1242 Rosarito Street, Sampaloc, Maynila.
Si Antonio ay inaresto nitong Oktubre 5, dakong 12:20 ng tanghali, sa Madre Ignacia St., sa kanto ng President Quirino Avenue, sa Malate, dahil sa kasong pagnanakaw.
Sa imbestigasyon ni PO2 Richard Escarlan, ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), nagsasagawa ng accounting ng mga preso ang duty jailer ng istasyon na si PO3 Virgilio Ninon Jr., dakong 9:10 ng umaga, nang ipaalam sa kanya ni Don Mariano Jumuad, bilanggo, na hindi makatayo ang biktima dahil sa labis na panghihina.
Nang malaman na dumaranas ng diarrhea ang biktima, agad umanong isinugod ni Ninon sa Ospital ng Maynila si Antonio upang malapatan ng lunas ngunit patay na ito. (Mary Ann Santiago)