Diana Zubiri, nag-trending nang ipakilala sa ‘Encantadia’

Filed under Features, Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

diana-copy-copy

MATAGAL-TAGAL nang napapanood ang mahiwagang bagong character na binuo ng writers ng Encantadia, si Lilasari, ang sang’gre na matapang at mabilis makipaglaban.

Walang makahula kung sino ang gumaganap bilang Lilasari na may takip ang mukha, dahil ang sinumang tumingin sa kanyang mga mata ay nagiging bato, kaya marami ang natatakot sa kanya.

Ang nag-aalaga sa kanya na si Cassiopea (Solenn Huessaff), ang naglagay ng takip ang kanyang mukha kaya rin lalo siyang bumangis sa pakikipaglaban, dahilan para ikulong siya dahil kahit ang mga kasama niya, babae man o lalaki, at maging si Cassiopea ay kinakalaban niya.

Natapos lang ang pahulaan ng televiewers at encandatiks nitong Martes nang ipinakita na sa telefantasya kung sino siya. Si Diana Zubiri, at nag-trending siya sa Twitter.

Katuparan ito ng wish ni Diana na muli siyang makasama sa epic-serye na una niyang ginawa noong 2005. Ginampanan niya ang role ni Danaya, na ginagampanan ngayon ni Sanya Lopez.

Kung mahusay si Diana noon, love din ng enkantadiks si Sanya na kasing seksi rin niya at carry ang character ni Danaya. Matatandaan na bago nagsimula ang Encantadia, nagpadala pa ng congratulatory text si Diana kay Sanya.

Walang naging problema kay Diana kahit hindi pa natatagalan ang pagsilang ng panganay nila ng asawang si Chris. At hindi rin naman siya pinigilan ng husband niya na tanggapin ang offer ng Encantadia dahil nami-miss niya ito.

Thankful siya na nakasama uli niya ngayon si Sunshine Dizon na bago rin ang role na ginagampanan, si Adhara. Si Sunshine naman ang dating gumanap sa role ni Pirena na ginagampanan ngayon ni Glaiza de Castro.

Inaabangan ng viewers sa istorya ng epic-serye kung ano ang gagawin nina Lilasari at Adhara, na magkakampi para maghiganti sa mga sang’gre na sina Amihan, Danaya, Alena at Pirena. Ang pabitin na sabi ni Adhara nang ma-interview sila sa “Chika Minute ng 24 Oras, “Abangan ninyo kung paano kami makababalik ni Lilasari sa Encantadia.”

Ayon sa nakausap naming GMA-7 insider, marami pa raw ang characters at guests na Kapuso stars na papasok sa Encantadia na tulad ng original ay unti-unti ring umaakit ng maraming manonood gabi-gabi. (NORA CALDERON)