Duguang bumulagta ang isang pulis matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang lalaki na sinita ng una sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Dead on the spot si PO2 Rancel Cruz, 36, may asawa, nakadestino sa Police Community Precinct (PCP) 2 ng Caloocan Police Station, at nakatira sa No. 925 Cebu Street, Sampaloc, Maynila, sanhi ng tama ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa ulo.
Sa report ni SPO2 Eduardo Tribiana, dakong 1:10 ng madaling araw, nagpapatrulya si PO2 Cruz sa kahabaan ng 3rd Avenue, Barangay 119, Grace Park East, Caloocan City.
“May nakita raw na lalaki si PO2 Cruz na parang may sukbit na baril sa beywang, kaya nilapitan ito,” ayon kay SPO2 Tribiana.
Hindi pa man umano nakakalapit nang husto ang biktma ay pinaputukan na ito ng suspek hanggang sa duguang bumulagta sa semento.
Narekober sa crime scene ang badge ni Cruz at service fire arm nito. (ORLY L. BARCALA)