‘Headline Pilipinas,’ simula na sa DZMM Teleradyo ngayong Lunes

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

PATULOY na lumalawig ang paghahatid ng balita at serbisyo publiko sa mamamayang Pilipino ng DZMM sa paglulunsad ng bago nitong noontime newscast na Headline Pilipinas, na mapapanood sa DZMM TeleRadyo sa cable at sa ABS-CBNTVplus simula Lunes (October 10) ng 12:30 PM.

Inihayag ang programa sa selebrasyon ng ika-30 anibersaryo ng AM radio station ng ABS-CBN, na ginanap sa Marriott Grand Ballroom sa Pasay City noong Martes at dinaluhan ng anchors, reporters, at empleyado ng DZMM 630 sa nakalipas na tatlong dekada.

Ang beteranong mamamahayag na si Tony Velasquez ang mangunguna sa Headline Pilipinas kasama sina Leo Lastimosa ng ABS-CBN Cebu at Melanie Severino ng ABS-CBN Davao upang magdala ng mga balita mula sa iba’t ibang parte ng Pilipinas, at mabigyan ng tinig ang mga Pilipino mula sa mga malalayong rehiyon.

Ani ABS-CBN Integrated News & Current Affairs Head Ging Reyes, marami pang pagbabagong aasahan ang publiko sa DZMM, na pinapalakas pa ang pagbabalita at public service upang matulungan ang bawat Pilipino sa kanyang araw-araw na pamumuhay.

Bukod kay Reyes, dumalo rin sa selebrasyon ang mga bigating anchor at Radyo Patrol reporter ng DZMM na kinabibilangan nina Kabayan Noli de Castro, Doris Bigornia,Gerry Baja, Anthony Taberna, DJ Richard,Carl Balita, Marc Logan, at Gus Abelgas na nakipagsabayan sa singers na sina Jona, Morissette, Kyla, Imelda Papin, Rico J. Puno,Arnel Pineda, Noel Cabangon, Jed Madela,Darren Espanto, at Piolo Pascual. Humataw naman sina Angel Movido, Robert Mano, Raya Capulong, Nina Corpuz, Atty. Claire Castro, Maresciel Yao, Toni Aquino, Jasmin Romero, Neil Badion, DJ Chacha, DJ Bea, Gretchen Fullido, at Ahwel Paz.

Paalala naman ni ABS-CBN president at chief executive officer Carlo Katigbak, anuman ang marating ng DZMM ay serbisyo publiko pa rin ang nasa puso nito. Aniya, kaakibat ang DZMM sa paghahanap ng solusyon sa mga problema sa lipunan.

Kaya mayroon itong mga programa tulad ng Teaching Learning Caring (TLC) classroom and clinic-on-wheels, na tumugon na sa mga biktima ng kalamidad nitong mga nakaraang taon.

Nakisaya rin si ABS-CBN chief content officer, executive adviser to the chairman, at ABS-CBN University president Charo Santos-Concio, na miyembro din ng pamilya ng DZMM dahil sa programang MMK sa DZMM.