Hindi umubra ang mabibilis na galamay ng apat na kawatan nang magsabwatan sa pagnanakaw ng limang pirasong polo shirt sa Children’s Wear Section ng isang department store sa Quiapo, Maynila kamakalawa.
Kinilala ni Police Supt. Santiago Pascual III, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 3, ang mga suspek na sina Rizalito Obado, 29, miyembro ng Sigue-sigue Sputnik; Reachel Bueno, 25; Rachelle Jeneza, 22; at isa pa, 17, pawang residente ng Area H, Gate 56, Binondo, Maynila.
Sa report ni PO3 Julio Espiritu Jr., dakong 1:00 ng hapon nang maaresto ang mga suspek sa Children’s Wear Section ng Department Store sa SM Quiapo.
Nagsasagawa ng routine patrol si Marlon Halog, 30, binata, civilian guard ng Vican Security Agency, sa kanyang area of responsibility nang mamataan ang mga suspek na nagsasabwatan upang maipuslit ang limang pirasong Garfield Polo shirt na nagkakahalaga ng P2, 250.
Kaagad namang inaresto ni Salazar ang mga suspek at nabawi ang kanilang mga ninakaw.
Kasong theft ang kinakaharap ng mga suspek. (Mary Ann Santiago)