Jessica Soho, iinterbyuhin ang bagong child wonder

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

NGAYONG gabi, tampok sa Kapuso Mo, Jessica Soho ang bagong kinagigiliwang Encantadia character na si Paopao.

Sa pagbubukas ng panibagong kabanata ng Encantadia, napapanood si Paopao — ang may hawak ng ikalimang brilyante. Ang cute na anim na taong gulang ay si Yuan Franciso sa totoong buhay. Mai-interview ni Jessica Soho ang pinakabagong child wonder at personal ding makikilala ni Yuan ang isa sa mga idolo niya. 

Samantala, marami ang hindi pa rin maka-get-over sa pinag-usapang Korean film ngayon na Train To Busan at lahat nga ay tila nakikiuso sa #Traintobusanchallenge.

Viral din ngayon ang litrato na pinaghanguan ng puwedeng pumasa raw na international symbol ng “friendzone.” Marami rin ang kinikilig sa isang viral video na makikitang sumasayaw ang dalawang may Down Syndrome. Ang “very special love” nina Lizliz and Kelvin, nakakaantig din.

Sa probinsiya naman ng Quezon, may mga spiritual doctor o manggagamot diumano na kayang magpagaling ng kahit anong sakit at nagmumula raw ang kanilang kakayahan sa ritwal ng paglalakad sa baga nang walang anumang sapin sa paa.

Aalamin din ng KMJS ang mga trabahong diumano’y nanganganib nang mawala tulad ng pagiging shoeshine boy, lechero, at lagarista.

Abangan ito at ang iba pang mga kuwentong patok ngayong gabi sa Kapuso Mo, Jessica Soho, pagkatapos ng Hay, Bahay! sa GMA-7.