Albie Casiño, pinalaya ng katotohanan

Filed under Features, Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

albie-copy-copy

KAAGAD nag-post sa Instagram ng ‘Thank You’ si Albie Casiño noong Biyernes ng hapon nang mabalitaang inamin na ng half-sister ni Andi Eigenmann na si Max Eigenmann sa panayam nito sa Good Times With Mo podcast ni Mo Twister na si Jake Ejercito ang tunay na ama ni Ellie at hindi siya.

Bumuhos ng simpatiya sa actor, agad umabot sa 300 ang positive comments at 3,000 likes sa post niya.

Nakatawag pansin sa amin ang post ng isa sa followers ni Albie na si @siharmond, “For a long time I hated you, and you were the one who took all the hate sorry.” At may nakalagay pang, ‘walang lihim na hindi nabubunyag.’

Sa eksklusibong panayam ni Arniel Serato ng PEP, sinabi ni Albie na nabunutan na siya ng tinik sa dibdib pagkalipas ng limang taon.

Ang ina ng aktor na si Gng. Anna Kathrina ‘Rina’ Casiño ang namamagitan sa pag-uusap nina Arniel at Albie dahil kasalukuyang may dubbing ang aktor.

“I feel relieved,” saad ni Albie.

Tinanong ang aktor kung malaki ang nawalang mga oportunidad sa kanya dahil sa pangyayari?

“Hindi naman,” sagot ng binata, “kasi it gave way to my schooling, which is a priority.”

Natatandaan namin, noong dumalaw kami sa taping ng Confession of A Torpe ng TV5 na isa si Albie sa cast ay hindi naman siya nakitaan ng pagsisisi na nawala siya sa showbiz dahil nga ibinuhos naman niya ang kanyang panahon sa pag-aaral.

Nang medyo tumahimik na ang isyu sa kanila ni Andi, laking pasasalamat ng aktor nang isama siya sa seryeng On The Wings of Love bilang third wheel kina James Reid at Nadine Lustre.

Mukhang tuluy-tuloy na ang pagbabalik ni Albie sa showbiz dahil bukod sa kaliwa’t kanang guestings ay kasama siya ngayon sa FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco Martin.

“I would like to thank everyone who stood by me at naniwala sa akin,” aniya pa.

Answered prayer para sa ina ni Albie ang paglabas ng katotonahan.

“We are very happy and relieved finally the truth is out in God’s perfect time.

“Truly an answered prayer for us, we thank everyone who believed in us and stood with us through all these years. A big shout out to the Albienatics! I’m just really happy, thank you Lord!”

Samantala, hindi namin nakuhanan ng reaksiyon si Jake na kasalukuyan palang nag-aaral sa Singapore at weekend lang daw nakakauwi ng Pilipinas, ayon kay Katotong Jobert Sucaldito.

Samantala, ang woman of the hour na si Andi ay nasa taping ng The Greatest Love nang pumutok ang balita sa social media.

Kinumusta namin sa mga taga-TGL si Andi, “Okay naman, taping sila,” sey sa amin.

Mukhang hindi pa nababalitaan ng aktres ang isyu kaya dire-diretso raw ang taping nito sa nasabing serye.
(Reggee Bonoan)