Isang lalaki ang natagpuang patay sa loob ng septic tank ng Manila South Cemetery sa Makati City na matagal na umanong ginagawang languyan ng biktima kapag lasing o depressed.
Nakatira sa loob ng naturang sementeryo ang biktimang si Michael Layug, 30, binata, walang trabaho.
Batay sa ulat ni Supt. Robert Domingo, hepe ng Manila Police District (MPD)-Station 6 (Sta. Ana), nabatid na dakong 2:15 ng hapon nitong Linggo nang madiskubre ng empleyado ng sementeryo ang bangkay ni Layug habang nakababad sa septic tank, walang damit pang-itaas at nakasuot ng shorts.
Kuwento ng kapatid na si Maria Lani Layug, umalis sa bahay si Michael matapos makipagtalo sa pamangking si John Christian Rubillo nitong Linggo ng umaga, at hindi na ito nakabalik.
Ayon kay Maria Lani, nakaugalian na ng biktima na maligo sa naturang septic tank tuwing depressed o lasing.
(Mary Ann Santiago)