‘Mulawin,’ ire-remake rin ng GMA-7?

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

ANG dating Starstruck Kids alumnus na si Miguel Tanfelix nga ba ang magiging bida sa pagbabalik ng Mulawin?

Ang Mulawin ay pinagbidahan ni Richard Gutierrez noong 2004 at ginampanan naman ni Miguel ang papel na Pagaspas (batang ibon).

Ito kasi ang sunud-sunod na tanong sa amin ng ilang followers namin sa Twitter na talagang prinaybeyt message pa kami.

“After Encantadia, Mulawin naman ang remake ng GMA?  Wala na ba silang bagong maisip na show?” tanong sa amin.

Bakit naman hindi nila puwedeng ibalik, e, ang mga fantaseryeng ito ang dahilan ng pagiging number one noon ang GMA-7, ‘di ba, Bossing DMB?  Isama pa ang Darna at Majica na parehong pinagbidahan ni Angel Locsin.

Inusisa namin sa nagtanong sa amin kung saan niya nakuha ang balita, naka-post daw sa Instagram account ni Miguel na nagsasabing, ‘ang kanyang muling paglipad’ na may litratong malaking pakpak ni Mulawin.

(Editor’s note: Iniulat ni Nitz Miralles kahapon na lalabas sa Encantadia ang character ni Mulawin na ginagampanan ni Miguel. Baka pinupulsuhan ng GMA Network ang reaksiyon ng televiewers. Kung positibo, baka isunod nila sa Encantadia ang Mulawin.)

Nag-click noon ang fantaseryeng Mulawin ni Richard kaya ginawan ito ng pelikula na iprinodyus ng GMA Films at Regal Films at naging official entry sa 2005 Metro Manila Film Festival.—Reggee Bonoan