Dalawang lalaking kapwa menor de edad na umano’y miyembro ng ‘Magdamo group’ ang grabeng nasugatan nang sundan at pagraratratin ng riding-in-tandem sa Sta. Cruz, Manila, kamakalawa ng gabi.
Hindi pinangalanan ang dalawa, parehong 17 taong gulang, out-of-school youth, at residente ng Almeda St., sa Tondo.
Batay sa ulat ni Police Supt. Santiago Pascual III, commander ng Manila Police District (MPD)-Station 3, dakong 6:58 ng gabi nang mangyari ang pamamaril sa kanto ng Ipil St. at Herrera St., sa Sta. Cruz.
Lulan umano ng tricycle ang mga biktima nang buntutan ng mga suspek hanggang sa pinaulanan ng bala kayat bumangga ang sinasakyan nilang tricycle.
Hindi pa nasiyahan ang mga suspek, bumaba pa umano ang mga ito sa motorsiklo at malapitang pinagbabaril ang mga biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan bago mabilis na tumakas. (Mary Ann Santiago)