Arellano, magwawalis sa NCAA juniors

Filed under Basketball Balita RSS RSS Feed

Mga Laro Ngayon (San Juan Arena)
9 n.u. – CSB vs Arellano
11 n.u. — Lyceum vs SSC

Target ng Arellano University na walisin ang first round elimination sa pakikipagtuos sa CSB- La Salle Greenhills ngayon sa NCAA Season 92 juniors basketball sa San Juan Arena.

Itataya ng Braves ang malinis na 8-0 karta sa duwelo sa Junior Blazers sa unang laro  sa 9:00 ng umaga.

Maghaharap naman sa 11:00 ng umaga ang Lyceum of the Philippines at San Sebastian.

Huling ginapi ng Braves para sa ikawalong sunod na panalo ang reigning seven-peat champion San Beda Red Cubs.

Sa kabila ng kinalalagyan, ayaw magkumpiyansa ni coach Tylon Darjuan.

“Basta kami one game at a time lang, matagal pa kasi ang laban kaya ang talagang goal lang namin ngayon is to win every game hangga’t kaya namin,” aniya.

Sa panig naman ng Junior Blazers, patitibayin ang kapit sa ikaapat na puwesto at sundan ang huling panalo kontra Emilio Aguinaldo College Brigadiers.

Hangad naman ng Lyceum Junior Pirates ang umangat sa ikalimang puwesto sa laro kontra sa Staglets na magkukumahog naman sa kanilang kampanya matapos malaglag sa 1-7. – Marivic Awitan