Aktres, pailalim na naghahanap ng bagong manager

Filed under Blind Item Balita RSS RSS Feed

AWARE kaya ang manager ng kilalang aktres na lumapit ang alaga niya sa ibang talent manager ng mga sikat?

Hindi sinasadya, nabanggit sa amin ng isa sa mga staff ng talent manager ng mga sikat na lumapit sa kanila ang kilalang aktres at gustong magpa-manage (wala pang isang taon ang nakararaan) pero hindi naman kaagad nabigyan ng pansin ng boss nila sa dami ng inaasikaso.

Nagtataka naman kami sa kilalang aktres kung bakit naghahanap ng ibang manager, e, nakilala at may projects siya dahil sa manager niya ngayon. Katunayan, maganda ang role niya sa umeereng TV program ngayon.

Naisip na lang namin na baka gustong ma-develop ng kilalang aktres ang iba pa niyang talent, bukod sa pag-arte, at ang nilapitang talent manager ang gusto nitong mag-asikaso nito.

Naku, iha, hindi puwedeng dalawa ang manager mo dahil magulo’yan, magkaiba ang interest lalo na kung hindi naman sila magkakilala at higit sa lahat, magkaiba rin ng TV networks na pinaglilingkuran nila.

Sabi pa ng source naming, “Ay si _____ (manager ng kilalang aktres) ba manager niya? Hindi namin alam. ‘Buti na lang din pala.”

Siguradong hindi pa tapos ang kontrata ng kilalang aktres sa manager niya na nakausap pa namin kamakailan at masayang nagkuwento na maganda nga raw ng feedback ng programa ng alaga niya. Mukhang wala rin itong kaalaman-alam na may pailalim na ginagawa ang alaga niya.

Hindi yata alam ng kilalang aktres ang kasabihang ‘ang pagsasabi ng tapat ay pagsasama ng maluwat’. Hindi na kami magtataka kung isang araw ay may gusot sila ng manager niya. —Reggee Bonoan