Café France, magpapakatatag sa ‘twice-to-beat’

Filed under Basketball Balita RSS RSS Feed

Mga laro ngayon (JCSGO Gym, Cubao)
2 n.h. — Tanduay vs AMA
4 n.h. – Café France vs Phoenix

Ni Marivic Awitan

Buo na ang Final Four, ngunit hindi pa tapos ang paghihiganti ng Phoenix sa defending champion na Café France.

Muling magtutuos ang Bakers at Accelerators sa second round elimination ng 2016 PBA D-League Foundation Cup kung saan nakataya ang bentaheng twice-to-beat sa top two team.

Parehong pasok sa semifinals ang magkaribal, ngunit nakasalalay sa laro ang pinag-aagawang bentahe sa cross-over semifinal series. Nasa ikalawang puwesto ang Bakers na may 8-2 karta, habang nakabuntot sa pangatlo ang Accelerators na may 8-3 karta. Nangunguna ang Racal sa 9-2 marka.

“We’re facing a champion team. We have to play the best. Hindi puwede ang patay-patay dito,” pahayag ni Phoenix coach Eric Gonzales.

Galing ang Phoenix sa 108-83 na panalo sa Blustar Detergent nitong Martes.

Ngunit, matindi rin ang pangangailangan ng Bakers.

“We have to win versus Phoenix before anything else. I guess mag-aaway kami para doon sa top two,” sambit ni Café France mentor Egay Macaraya.

Magtutuos ang Aspirants’ Cup finalists sa ikalawang pagkakataon ngayong conference sa ganap na 4:00 ng hapon sa JCSGO Gym sa Cubao.

Target ng Bakers na maulit ang 96-93 overtime win na nakopo laban sa Phoenix noong Hulyo 21.

Mauuna rito, tatangkain ng Tanduay na mapaangat ang kanilang kinalalagyan sa pakikipagtuos sa sibak ng AMA Online Education sa ganap na 2:00 ng hapon.