Pinoy karatekas, wagi ng 2 ginto sa Thailand Open

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

Naisalba nina Louie Jane Remojo at Rita Alexis Cuadra ang kampanya ng Team Philippines para makaiwas sa pagkabokya sa Thailand Open karatedo championship kamakailan sa Bangkok.

Nakopo ni Remojo ang gintong medalya sa 15-16 year old female kata division, habang nagwagi si Cuadra sa kumite girls cadet -43kg class para mapabilang ang Team Philippines sa medal standing ng tatlong araw na kompetisyon.

Bago ito, dalawang beses na nabigo ang Pinoy sa dalawang event finals, habang nakopo ng karatekas ang pitong bronze medal.

Nakuha rin ni Remojo, pinakabagong miyembro ng team mula sa Surigao, ang bronze medal sa kumite -53kg class.

Nakabawi naman si Cuadra, galing din sa matikas na kampanya sa Vietnam Open nitong Hunyo, sa napagwagiang bronze medal sa naturag torneo sa nakalipas na edisyon.

Nagwagi ng silver medal sina Cherry Rodriguez (15-to-16 kata) at Michael John Badil (-75kg kumite), habang bronze winner sina Margarette Abba (10-11 kata), Enrich Napa (10-11 boys), Jaime Villegas Jr. (kata), Crystal Beldas (kumite girls junior -47kg), at Bryan Fontillas (kumite +84kg).